Spurs ibinalik ni Wemby sa porma
SAN ANTONIO, Philippines — Nagkadena si Victor Wembanyama ng 32 points at 11 rebounds para banderahan ang Spurs sa 124-112 paglunod sa Los Angeles Clippers.
Kumolekta si Stephon Castle ng 21 points at 12 assists at may 20 markers si Julian Champagnie para sa pagbangon ng San Antonio (13-3) mula sa naunang 93-105 kabiguan sa Detroit Pistons na tumapos sa kanilang 12-game winning streak.
Umiskor sina point guard Darius Garland at center Brook Lopez ng tig-23 points sa panig ng Los Angeles (4-10).
Inilista ng Spurs ang 57-54 halftime lead bago kumawala sa 105-97 sa unang apat na minuto ng fourth quarter mula sa three-point shot ni Champagnie.
Ang magkasunod na triples nina Lopez at Max Strus ang nagdikit sa Clippers sa 103-105.
Muling inasahan ng San Antonio ang 7-foot-4 na si Wembanyama para muling makalayo at kunin ang panalo.
Sa Minneapolis, iniskor ni Karl-Anthony Towns ang 17 sa kanyang 22 points sa first half at humakot ng 12 rebounds para tulungan ang nagdedepensang New York Knicks sa 102-99 pagtakas sa Minnesota Timberwolves.
Naglista si point guard Jalen Brunson ng 21 points at pitong assists para sa ikatlong sunod na arangkada ng Knicks (9-6).
Sa iba pang laro, pinapak ng Memphis Grizzlies ang Golden State Warriors, 126-98; pinulutan ng Portland Trail Blazers ang Milwaukee Bucks, 124-114.
- Latest



















