Khan gustong labanan si Mayweather
MANILA, Philippines - Kung natatabangan na si Manny Pacquiao sa pagharap sa maarteng si Floyd Mayweather, Jr., handa naman ang kanyang sparring partner na si Amir Khan na sagupain ang six-time world champion.
Sinabi kahapon ni Khan, ang kasalukuyang WBA light welterweight champion, na gusto niyang makalaban ang mananalo sa banggaan nina Mayweather at WBC welterweight titlist Victor Ortiz sa Setyembre 17.
"I'd like to fight the winner of Ortiz-Mayweather, maybe next year," wika ng 24-anyos na si Khan.
Ang Olympic silver medalist na si Khan ay tumatayong sparring partner ng Filipino world eight-division king na si Pacquiao.
Sabay silang nagsasanay sa ilalim ng patnubay ni trainer Freddie Roach sa Wild Card Boxing Gym sa Hollywood, California.
Nakatakdang labanan ni Khan, may 25-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 17 KOs, ng United Kingdom si Zab Judah (41-6-0, 28 KOs) sa Hulyo 23 para sa WBA Super World light welterweight at IBF light welterweight titles.
"I'm hoping to get Zab Judah out of the way and look good against him, then get one more fight at the end of the year," sabi ni Khan, nagpaplanong umakyat sa welterweight division.
"There will never be a fight between Manny and me. We respect each other too much," pagrespeto ni Khan kay Pacquiao.
- Latest
- Trending