Cuartero wagi sa Qualifier No. 7 ng Phl Open
MANILA, Philippines - Isama pa ang pangalan ni Allan Cuartero sa mga Filipino pool players na nakukuha ng tiket sa Philippine Open Pool Championships na lalaruin sa Abril 7-11 sa SM Megamall.
Ginapi ni Cuartero si Andrew Kong ng Hong Kong, 9-4, sa finals ng Qualifier No. 7 upang samahan na sina Roberto Gomez, Jundel Mazon at Renemar David na nakalusot sa qualifying round na ginaganap sa Star Billiards Center sa Quezon City.
Kinatampukan ni Cuartero ang magandang laro sa finals nang maipasok ang nakatagong 2-ball sa 13th rack na nagselyo ng tagumpay.
“Sinuwerte lang at nakuha ko ang tamang anggulo. Nakatago siya sa six-ball pero natsambahan ko,” wika ni Cuartero, isang Overseas Filipino Worker.
Nabigo naman si Jephtah Palencia na makausad sa main draw nang mabigo kay Yoni Rachmanto ng Indonesia, 5-9.
- Latest
- Trending