Pacquiao tiniyak na mapapabagsak si Mosley
MANILA, Philippines - Matibay ang paghahangad ni Manny Pacquiao na maging kauna-unahang boksingero na magpapabagsak kay Shane Mosley.
Ito’y matapos ang paghahayag mismo ni Pacquiao ng kanyang katiyakang papasok siya sa pinakamagandang kondisyon sa laban, mas maganda pa nang hinarap at tinalo ang mas malalaking katunggali tulad nina Joshua Clottey at Antonio Margarito.
“So far, so good,” wika ni Pacquiao sa kanyang kolum patungkol sa tatlong linggong paghahanda na ginawa sa Baguio City.
Noong nakaraang linggo lamang siya nagsimula sa sparring pero magkaganito man ay masaya na siya sa itinatakbo ng kanyang kondisyon ng pangangatawan.
“I’m happy with my conditioning right now and with more than one month to go before the fight, I have achieved better stamina and my timing is already there,” dagdag ng pound for pound champion na idedepensa sa Mayo 7 laban kay Mosley ang hawak na WBO welterweight division.
Tiniyak din niyang handa siya sa pagha-rap sa mas matitinding pagsasanay kapag nagsimula na ang training nila ni Freddie Roach sa Wild Card Gym na kung saan ang huling limang linggo ang kanilang bubunuin sa Los Angeles.
“Lalo ko pang pag-iibayuhin ang training para sa mapanganib na laban kontra sa three-time world champion na si Mosley,” pahayag pa ng Kongresista ng Sarangani Province.
Dumating na kahapon sa Los Angeles ang Team Pacquiao at gaya ng ginawa sa huling tumungtong sa nasabing lugar, umiwas si Pacquiao sa maraming tagahanga at mediamen na nais siyang makita sa paglabas sa Los Angeles International Airport.
Tanging si Roach at ilang body guards ang lumabas sa tamang pintuan pero si Pacquiao ay idinaan sa mga pintuang para lamang sa mga VIPs.
May mga nakaunawa pero marami rin ang nadismaya dahil nga sa inasahan nilang makikita ang iniidolo.
Sa Lunes naman inaasahang bubuhos na ang pagsasanay na katatampukan ng pagpasok nina Rashad Halloway at Karim Mayfield upang isama kina David Rodela at Shawn Porter bilang mga sparmates.
- Latest
- Trending



















