Creamline pamatay ang porma ngayon
MANILA, Philippines — Hinataw ng Creamline ang apat na sunod na panalo sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab leg.
Ito ay dahil sa kumpletong lineup ng Cool Smashers sa pagbabalik nina veteran setter Jia De Guzman at outside hitter Bernadeth Pons na naglaro para sa Alas Pilipinas women’s indoor at beach volleyball teams, ayon sa pagkakasunod.
“Sobrang babaw sa iba, pero sa amin, mas ine-enjoy namin ’yung game kasi, ’yun nga, nakakalaro lahat,” ani Jema Galanza. “So, alam mo ’yun, nae-excite din kami sa isa’t isa kung ano ’yung mabibigay ng bawat isa sa amin.”
Magkakasunod na tinalo ng Creamline ang Akari (25-18, 25-21, 25-18), Galeries Tower (27-29, 25-18, 25-19, 25-18), ZUS Coffee (25-19, 16-25, 26-24, 25-17) at Capital1 Solar Energy (25-18, 31-29, 25-16).
“Lagi naman, pero malaking bagay talaga pag kumpleto kami kasi mas nakakapag-isip nang maayos si coach She (Sherwin Meneses) kung paano iikot ’yung tao, ganyan. And ayun, malaki naman talaga ’yung contribution talaga,” sabi ni Galanza.
Bukod kina Galanza, De Guzman at Pons, sinasandalan din ng Cool Smashers sina Alyssa Valdez, Tots, Carlos, Michele Gumabao, Pangs Panaga, Bea De Leon at Kyle Negrito.
Target ng Creamline ang pang-limang sunod na ratsada sa pagharap sa PLDT, humataw ng dalawang sunod na panalo matapos ang 0-2 panimula, sa Huwebes sa Philsports Arena sa Pasig City.
- Latest

















