Julaton sasabayan si Pacquiao sa pagsasanay sa Baguio
MANILA, Philippines - Isang title defense ang gagawin ni Ana Julaton sa kanyang susunod na laban na sinasabing gagawin sa Mayo.
Sa pagbisita ng 30-anyos na kampeon sa WBO at IBA super bantamweight division sa SCOOP sa Kamayan kahapon sa Padre Faura, sinabi rin nito ang hangaring maidaos ang nasabing laban sa Pilipinas upang maipakita sa harap ng kanyang mga kababayan ang ipinagmamalaking husay sa ibabaw ng ring.
“I want to stage my next fight before my countrymen. I’m a Filipino by blood and I want to show that to everybody,” wika ni Julaton.
Binanggit naman ng manager-trainer ni Julaton na si Angelo Reyes na ginagawa nila ni promoter AllenTremblay na mapagbigyan si Julaton sa hangarin niyang madala sa Pilipinas ang laban.
“What is definite is Ana will be defending one of her titles soon. What we cannot reveal yet is where it will be held and when,” wika pa ni Reyes.
Sariwa si Julaton sa unanimous decision panalo laban kay Franchester Alcanter nitong Pebrero 25 na ginanap sa Craneway Pavilion, California USA.
Dumating sa bansa si Julaton noong Martes kasabay ng batikang trainer na si Freddie Roach na maghahanda naman sa pagsasanay na gagawin nila ni Manny Pacquiao sa Baguio City.
Kasama sa pagdalaw ni Julaton sa bansa ay ang pagdalo sa victory party na handog ng TV-5 na ginanap sa kilalang lugar sa Makati kagabi.
Ang TV-5 ang nagpalabas ng huling laban ni Julaton at siya ring ang sinasabing tutulong para maisagawa ang title defense ni Julaton sa bansa.
Dahil sa bandang Mayo nakikita ni Julaton na gagawin ang susunod na laban, hindi niya iniaalis ang posibilidad na magsimula ng paghahanda sa bansa dahil isa nga siya sa alaga ni Roach.
“I’m also being handled by Freddie Roach and since Freddie will be here most of the time during Manny Pacquiao’s preparation, I could join them even in Baguio,” wika pa ni Julaton.
Si Julaton ay magtatagal sa bansa hanggang Linggo at babalik na lamang siya ng Pilipinas kung kailanganin na siyang magsimula ng pagsasanay sa Pilipinas.
- Latest
- Trending