Best-ever performance sa Dakar YOG—Tolentino

DAKAR — Itinuring ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham Tolentino na pinakamagandang performance ng bansa sa Youth Olympic Games (YOG) ang nakamit na silver at bronze medal nina Naomi Marjorie Cesar at Pi Durden Forward Wangkay sa athletics event.
“It’s the best performance, these two medals,” ani Tolentino kahapon sa closing ceremony ng YOG Athletes Village dito sa Diamniadio. “The level of competition in the YOG is high, the young athletes from the powerhouse countries are as high in their age group as their elite counterparts.”
Ang silver ni Cesar at bronze ni Wangkay ang sumapaw sa nakamit na silver ni Christian Tio sa boys’ twin-tip racing ng kiteboarding sa 2018 YOG sa Buenos Aires at sa gold ni Luis Gabriel Moreno, katambal si Li Jiaman ng China, sa mixed NOC sa archery sa Nanjing 2014 na hindi opisyal na ibinilang.
Siyam na batang atleta ang isinabak ng Pilipinas sa Dakar YOG na lumahok sa anim na sports.
“Obviously, size mattered in these YOG,” pagkukumpara ni Tolentino. “Our athletes’ opponents were bigger, stronger and faster.”
Idinagdag ng POC president na kailangan ng bansa na palakasin ang grassroots program bukod sa paghahanap ng mga batang atletang may dugong Pinoy sa iba’t ibang bansa.
Sunod na paghahandaan ng POC ang Southeast Asian Games Youth Plus na ‘brainchild’ ni Tolentino at pamamahalaan ng bansa sa Disyembre ng 2027.
Ang SEAG Youth Plus ay labanan ng mga atletang may edad 16-anyos pababa at mula sa Southeast Asian, Asian at Oceania countries tampok ang 23 sports na lalaruin sa Manila, Pasig, Tagaytay at Subic.
Humakot ang China ng kabuuang 17 gold, walong silver at pitong bronze medals para pamunuan ang Dakar YOG kasunod ang Japan (10-8-9) at Russian Federation (8-4-2).
- Latest




















