Mojdeh nagdagdag pa ng 2 medals sa NCAA

MANILA, Philippines — Kumana pa ng dalawang medalya si La Salle Green Hills (LSGH) standout Behrouz Mohammad ‘Madi’ Mojdeh sa pagpapatuloy ng NCAA Season 102 swimming competitions na ginaganap sa Rizal Memorial Sports Complex sa Manila.
Humirit ang 15-anyos na pambato ng Behrouz Elite Swimming Team (BEST) ng isang pilak at isang tanso para umangat ang kanyang koleksiyon sa kabuuang isang ginto, tatlong pilak at dalawang tansong medalya.
Nasikwat ng reigning NCAA Rookie of the Year na si Mojdeh ang pilak sa 200m butterfly kung saan nairehistro nito ang 2: 10.31 segundo.
Hindi naman nakawala sa LSGH ang gintong medalya dahil nakamit ito ng kanyang katropang si Kristian Yugo Cabana na naglista ng 2:09.34.
Sa katunayan, na sweep ng LSGH ang naturang event nang kubrahin ni Gilbert Gonzalvo ang tanso tangan ang 2:12.48.
Nagdagdag pa si Mojdeh ng tanso sa patayang 400m Individual Medley kung saan nagtala ito ng 4:45.91 — gahibla sa silver medalist na si Ashton Jose ng Letran na may 4:55.25.
Matatandaang nadiskwalipika si Mojdeh sa 400m IM noong nakaraang taon kaya’t masaya na ito na nakabawi ito sa pagkakataong ito lalo pa’t nagtala ito ng personal best.
Sa pagtatapos ng ikatlong araw ng kumpetisyon, abot kamay na ng LSGH tankers ang back-to-back titles sa boys’ division matapos makalikom ng kabuuang 605 puntos.
- Latest





















