ABAP buhos ang suporta sa Suntok Ginto
MANILA, Philippines - Higit sa pera, ang maiparamdam sa mga Pambansang boksingero na suportado sila ng taong-bayan ang tunay na layunin sa paglulunsad ng Suntok Ginto ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP).
Bagamat noon pang Disyembre ipinakilala ang programa, kahapon sa PSA Forum na ginanap sa Emerald Restaurant sa Roxas Boulevard, isinagawa ang pormal na paglulunsad na dinaluhan nina ABAP secretary-general Patrick Gregorio at executive director Ed Picson.
Katunayan ay kumabig na ng P4.23 milyon pondo ang programa matapos magbigay ng P2 milyon ang Meralco at tig-P1 milyon ang Maynilad at si Dr. Cecilio Pedro ng Lamoiyan Corporation. Ang nalalabing P230,000 ay buhat sa kontribusyon ng mamamayan sa mga drop boxes sa loob ng mga SM Malls.
“Lahat ay nagsasabi na sa boxing makukuha ng Pilipinas ang kauna-unahang gintong medalya sa Olympics. Pero nag-iisa lamang ang mga boksingero natin kapag nagsasanay at lumalaban. Sa pamamagitan ng Suntok Ginto ay maipaparamdam ng Sambayang Pilipino na nakikiisa sila sa asam ng Pambansang boksingero,” wika ni Picson.
Umabot na sa 48 ang boksingero na nasa pool ng ABAP at hindi sapat ang ibinibigay na tulong ng Philippine Sports Commission at kahit ng tagapag-taguyod na chairman ng ABAP na si Manny V. Pangilinan kung kaya’t isinagawa ang naturang programa.
Tampok na laban na haharapin ng Pambansang boksingero ay ang World Boxing Championships sa Baku, Ajerbaijan mula Setyembre 22 hangang Oktubre 10 na una sa dalawang Olympic qualifying event na itinalaga ng international boxing association na AIBA at pitong boksingero ang isasagupa rito para mapalakas ang hangaring makapasok ng kinatawan sa London Games.
Maliban sa World Championships ay isasalang din ang Pambansang boksingero sa 26th Southeast Asian Games sa Indonesia sa Nobyembre.
Nilinaw din ng ABAP ang naunang pahayag na team B lamang ang isasalang nila sa SEAG dahil gaya ng paghablot ng unang ginto sa Olympics ay mahalaga rin ang tangkang mapantayan o mahigitan ang 5 ginto, 1 pilak at 3 bronze medals na nakuha sa 2009 Laos SEAG.
- Latest
- Trending