Alas 'di na paaabutin sa Game 3 ang kanilang title series ng Slammers
MANILA, Philippines – Maging consistent mula sa simula hanggang matapos ang laban ang nais na makita ni coach Louie Alas sa Philippine Patriots sa pagbangga nila sa malakas ding Chang Thailand Slammers sa AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) Finals na sisimulan bukas sa Bangkok.
“Sa isang maigsing title series, walang puwang ang magkaroon ng pagkakamali sa anumang parte ng laro. Kaya kailangang maging consistent kami mula simula hanggang matapos ang labanan,” wika ni Alas.
Lumipad kahapon ang koponang pag-aari nina Dr. Mikee Romero at Tony Boy Cojuangco patungong Thailand at ngayon ay inaasahang sasalang pa sa matinding pagsasanay para matiyak na nasa kondisyon ang manlalaro nito pagpasok sa Game One sa best- of-three finals series.
Hindi nakasama ng Patriots ang 6’7 Fil-Am na si Alex Crisano matapos manakit ang kanyang kanang sakong matapos ang practice nitong Miyerkules.
Kulang man ng isang malaking manlalaro, tiwala naman si Alas na dagdag hamon ito sa kanyang locals para mas iangat pa ang antas ng paglalaro at hiyain ang Slammers sa sariling homecourt.
Lamang ang koponang pinamumunuan ni ex- Patriots import Jason Dixon sa head to head sa elims matapos kunin ang 2-1 karta.
Pero iba ang Playoffs at naipakita ng Patriots na kaya pa rin nilang madomina uli ang ligang kinatatampukan ng anim na koponan matapos walisin ang KL Dragons sa semifinals.
Sina Egay Billones, Benedict Fernandez, Warren Ybanez at Jun Jun Cabatu ang mga manlalarong inaasahang tutulong sa mga imports na sina Gabe Freeman at Steve Thomas.
“Their (imports) leadership skills are evident on the court, they’re the ones coaxing their teammates to exert more effort,” ani team manager Erick Arejola.
- Latest
- Trending