Patrombon No. 9 na sa ITF Jr. rankings
MANILA, Philippines - Hindi nasayang ang magandang ipinakita ni Jeson Patrombon sa Australian Juniors Open nang umangat na ito sa kinalulugaran sa ITF juniors ranking.
Mula sa pagiging number 12 sa pagsisimula ng taon, ang 17-anyos na si Patrombon ay lumundag sa ikasiyam na puwesto matapos lamang ang unang torneo na sinalihan sa taong 2011.
Umani ng kabuuang 580 puntos si Patrombon matapos ang Aussie event na kung saan kumabig siya ng 520 puntos nang marating ang quarterfinals sa singles at karagdagang 60 sa doubles nang makausad siya sa second round kasama ni Jaden Grinter ng New Zealand.
Kasalukuyang nasa bansa na si Patrombon at dadaan sa minor surgery para tanggalin ang maliit na kulugo sa paa at matapos ito ay balik na uli sa pagsasanay ang batang tenista.
And ranked 300 sa mundo noong nakaraang taon ay naglalayong paghaluin ang paglalaro sa juniors at Pros sa taong ito upang mas humusay sa paglalaro ng tennis.
“Sa taong ito ay unti-unting lilipat na si Jeson sa PROS. Pero hindi magiging agaran ito dahil marami pa siyang dapat na matutunan sa larangan ng mental, physical at tactical sa larong tennis,” wika ni coach Manny Tecson.
Isasalang muna si Patrombon sa mga Grade I event na katatampukan ng paglahok nito sa Mitsubishi International Juniors Tennis Championships sa Manila sa Marso 22 hanggang 27 sa Rizal Memorial Tennis Center.
- Latest
- Trending



















