Heat napaso sa knicks
NEW YORK--Nagsalpak sina Danilo Gallinari at Landry Fields ng magkakasunod na 3-pointers sa huling 1:18 para tulungan ang New York Knicks sa 93-88 panalo laban sa Miami Heat sa NBA nitong Huwebes.
Umiskor si Amare Stoudemire ng 24 points, habang tumapos naman si Gallinari na may 20 points kasunod ang 19 ni Fields na humaltak rin ng 13 rebounds para sa ikalawang sunod na ratsada ng Knicks matapos mahulog sa isang six-game losing slump.
Humakot naman si Dwyane Wade ng 34 points at 16 rebounds, ngunit naimintis ang pito niyang tirada sa fourth quarter para sa Heat.
Kumabig si LeBron James ng 24 points, subalit may 7-of-24 fieldgoals para sa Miami, muling hindi nakuha ang serbisyo ni Chris Bosh dahilan sa sprained left ankle.
Sa Dallas, dinuplika ni Tyson Chandler ang kanyang season high 21 points para igiya ang Dallas Mavericks sa 111-106 tagumpay kontra Houston Rockets.
Tumipa si J.J. Barea ng 19 points, habang may 18 si Dirk Nowitzki at 15 si Jason Terry para sa Mavericks na naipanalo ang apat sa kanilang huling limang laro matapos ang isang six-game losing skid.
Pinangunahan ni Luis Scola ang Houston sa kanyang 30 points kasunod ang 27 ni Kevin Martin.
Angat ang Mavericks sa halftime, 64-47, ngunit nagawang maibaba ng Rockets ang kanilang bentahe sa pamamagitan ng 26-6 salvo tungo sa 77-75 may 4:06 na lang ang nalalabi sa third period.
Muling nakalapit ang Houston sa 104-103 may 51.8 segundo sa laro nang kumpletuhin ni Scola ang 12-2 run mula sa tip-in at ilagay sa unahan ang Mavs.
- Latest
- Trending