Suarez umiskor ng KO win kay Avila
MANILA, Philippines — Hindi na pinatagal ni undefeated Pinoy boxer Charly Suarez ang suntukan nila ni American Manuel Avila.
Kaagad pinabagsak ni Suarez si Avila sa first round para angkinin ang World Boxing Organization (WBO) international super featherweight title kahapon sa NOS Events Center sa San Bernardino, California, USA.
Nirapido ng 37-anyos na tubong Sawata, Davao del Norte ang 34-anyos na si Avila bago makalusot ang kanyang left hook na nagpatumba sa Mexican.
Nakatayo pa si Avila para iligtas ang sarili, ngunit itinigil na rin ng referee ang laban sa huling 29 segundo sa opening round.
“Thank you. Nakuha po natin ‘yung victory by the grace of God. First round. Maraming salamat po sa lahat ng dasal n’yo, mga kababayan kong Pilipino,” ani Suarez.
Mayroon ngayong 19-0-0 win-loss-draw ring record si Suarez kasama ang 11 knockouts, habang may 26-3-1 (19 KOs) naman si Avila na hindi nakapasa sa 130-pound weight limit.
Lalo pang pinatibay ni Suarez ang kanyang pagiging No.1 mandatory challenger para muling makaharap si reigning titleholder Emanuel Navarrete (40-2-1, 33 KOs) ng Mexico.
Nauwi sa ‘no contest’ ang bakbakan nina Suarez at Navarrete noong Marso 19, 2025 matapos baligtarin ng California State Athletic Commission (CSAC) ang naunang hatol na unanimous technical decision win ng Mexican.
- Latest






















