Cambodia papalo sa finals

CANDON CITY, Philippines — Papalo ng bola sa finals ang Cambodia matapos ilista ang 25-21, 16-25, 25-23, 25-17 panalo kontra pinapaborang Thailand sa semifnals ng 6th Southeast Asian Volleyball Cup (SEA V Cup) men’s division na nilaro sa Candon Arena, Ilocos Sur kahapon.
Walang naipanalong laban sa nakaraang taon leg, ipinakita ng Cambodia ang pag umento ng kanilang laro nang makipagsabayan ito sa defending champion na Thailand.
Pangalawa lamang ang Cambodia sa Pool B tangan ang 1-1 card habang ang Thailand ay top seed sa Pool A nang walisin nito ang dalawang nakatunggali.
Abangers ang Cambodia ng makakalaban sa finals sa pagitan ng Indonesia at Vietnam na nagpapaluan pa ng bola sa semis habang laglag sa battle of third ang Thailand.
Namuno sa opensa para sa Cambodians ay si Veasna Voeum na tumikada ng 21 points mula sa 17 spikes at tig-dalawang service aces at blocks habang tumulong din sina Mom Kuon at Menghuong Thy ng tig 13 at 12 markers, ayon sa pagkakasunod.
Matapos magtabla sa tig-isang set na panalo ay lumabas ang bangis ng Cambodia sa sets 3 at 4 upang biguin ang Thailand sa asam nilang korona.
Samantala, kinahon ng Alas Pilipinas ang 25-21, 28-26, 25-22 panalo laban sa Myanmar sa battle for fifth kahapon matapos sandalan sa opensa sina Joshua Magalaman at Louie Ramirez.
Pinamunuan ni Ramirez ang opensa para sa Alas Pilipinas matapos ilista ang 14 points mula 11 attacks at tatlong blocks habang 12 ang binakas ni Magalaman sa event na makakakuha rin ng world ranking points.
Nakitaan ng determinasyon ang Alas Pilipinas at halos magaan nilang kinaldag ang Myanmar pero para kay Italian head coach Angiolino Frigoni mas bumilib siya sa laro ng kanyang mga bataan sa dalawang talo nila sa Pool B.
- Latest























