Suns napaso sa Nuggets
DENVER - Hindi pa iiwanan ni Carmelo Anthony ang Denver Nuggets.
Hindi niya matiis na hindi niya makaharap ang Miami Heat at ang grupo ni LeBron James sa Huwebes.
“I’ll be here playing against Miami,” sabi ni Anthony.
Umiskor ang All-Star forward ng 28 points, habang nagdagdag si Aaron Afflalo ng career-high 31 points upang tulungan ang Nuggets na wakasan ang kanilang three-game losing skid mula sa kanilang 132-98 panalo sa Phoenix Suns.
Pinatahimik ni Anthony, naging sentro ng usapan ukol sa trade, ang mga manonood mula sa kanyang mga hustle plays at hanging jumpers.
Tinulungan ni Anthony ang Nuggets sa pagpasok sa pitong playoffs sa kanyang unang pitong seasons.
“People have their right to boo, people have their right to cheer,” wika ni Anthony, nagdagdag rin ng 10 rebounds.
Sa kabiguan ng Denver sa New Orleans noong Linggo, umiskor lamang si Anthony ng 8 points.
Nagdagdag si Ty Lawson ng 16 points para sa Nuggets, habang may 15 naman si J.R. Smith.
Ang Denver lamang ang koponan na hindi pa natatalo ng apat na sunod na beses.
Sa Portland, Oregon, inilista ng New York Knicks ang kanilang pang-12th na panalo sa labas ng kanilang balwarte sa season nang kanilang igupo ang Portland Trail Blazers, 100-86.
Nagposte si Amare Stoudemire ng 23 puntos at walong rebounds, habang nagdagdag naman si Raymond Felton ng 17 puntos at 14 assists para sa Knicks.
Sa Los Angeles, inirehistro ng host team ang kanilang best defensive performance sa shot clock era, makaraang patumbahin ang Cleveland Cavaliers, 112-57.
Tumapos sina Ron Artest at Andrew Bynum ng tig-15 puntos para sa defending NBA champion Lakers kung saan ipinatikim nila ang pinakamalaking 32 puntos na kalamangan sa Cavs sa halftime tungo sa kanilang ikalimang sunod na panalo.
Sa iba pang laro, naisahan ng Washington Wizards ang Sacramento Kings, 136-133 sa overtime at pinaluhod naman ng Indiana Pacers ang Philadelphia 76ers, 111-103.
- Latest
- Trending