Kings sumalo sa liderato
MANILA, Philippines - Nang mag-init si Gin Kings’ guard Mark Caguioa sa final canto ay hindi na siya napalamig ng mga Energy Boosters.
Humugot si Caguioa ng 14 sa kanyang 17 points sa final canto para tulungan ang Barangay Ginebra sa pagsikwat sa kanilang pang anim na sunod na ratsada sa bisa ng 90-78 paggiba sa Barako Bull sa elimination round ng 2010-2011 PBA Philippine Cup kagabi sa Big Dome.
Pinangunahan ni Ronald Tubid ang Gin Kings sa kanyang 19 points, 12 rito ay kanyang ginawa sa first half kasama ang 3-of-3 shooting sa three-point range.
Nakisalo ang Ginebra sa San Miguel sa liderato mula sa magkatulad nilang 6-2 baraha kasunod ang Talk ‘N Text (6-2), Rain or Shine (4-4), Meralco (4-5), Alaska (4-5), nagdedepensang Derby Ace (4-5), Powerade (3-6), Air21 (3-6) at Barako Bull (2-7).
“They’re giving us a hard time, especially today,” ani Caguioa sa mga koponang nakakaharap nila. “We failed to execute well in the first half but in the second half we settled down.”
Dumikit ang Energy Boosters, nasa isang three-game losing skid ngayon, sa first half, 37-39, bago ihulog ng Gin Kings ang isang 8-0 bomba mula kina Billy Mamaril at Rudy Hatfield para sa kanilang 10-point lead, 47-37, sa 9:51 ng third period.
Isang 14-2 atake naman ang ginawa ng Barako Bull sa likod nina Marvin Cruz, Dennis Daa, Sunday Salvacion at Mark Andaya upang agawin ang unahan sa 51-49, sa 5:02 nito kasunod ang arangkada nina Tubid, Eric Menk, Mike Cortez at Willy Wilson para isara ang nasabing yugto bitbit ang 62-58 lamang.
Sa fourth quarter, kumayod naman si Caguioa para ilayo ang Gin Kings sa 74-56 sa 7:01 nito, habang sinandalan ng Energy Boosters sina Salvacion, Paolo Hubalde at Mark Isip upang muling makalapit sa 76-82 agwat sa huling dalawang minuto ng laro.
Isang basket ni Rico Villanueva at jumper ni Tubid ang tuluyan nang sumelyo sa panalo ng Ginebra sa Barako Bull.
Nagdagdag si two-time PBA Most Valuable Player Willie Miller ng 10 points para sa Gin Kings kasunod ang tig-9 nina Mamaril at Villanueva, habang namuno naman si Salvacion para sa Energy Boosters galing sa kanyang 15 points.
Nag-ambag si Hubalde ng 14 markers para sa Barako Bull sa itaas ng 13 ni Isip at tig-10 nina Daa at Chad Alonzo.
Ginebra 90--ubid 19, Caguioa 17, Miller 10, Mamaril 9, Villanueva 9, Wilson 6, Cortez 6, Helterbrand 5, Aquino 4, Hatfield 3, Menk 2, De Ocampo 0.
Barako Bull 78--Salvacion 15, Hubalde 14, Isip 13, Alonzo 10, Daa 10, Andaya 6, Hermida 4, Cruz 4, Yee 2, Juntilla 0, Dimaunahan 0, Wainwright 0.
Quarterscores: 18-14, 39-37, 62-58, 90-78.
- Latest
- Trending