Prediksyon para sa linggo
Ilang araw bago ang laban ni Filipino champion Manny Pacquiao at Antonio Margarito, tambak na rin ang prediksyon sa lahat ng diyaryo, radio at telebisyon at maging sa internet.
Kaya nga hindi ako magbibigay ng hard hitting na prediksyon, sa halip ang ibibigay ko ay impormasyon at bahala na kayong humimay kung sino ang mananalo sa dalawang boksingero sa Nobyembre 14.
Alam natin na parang dinamita ang mga kamao ni Pacquiao. Ang Filipino southpaw ay tila isang sharpshooter. Gayundin, ang kanyang kaliwang kamao ay tila isang napakalakas na sandata habang ang kanyang kanan naman ay siguradong magbibigay ng malaking problema sa kanyang kalaban. Sa ilalim ni trainer Freddie Roach malaki ang improvement ni Pacman, kaya niyang kontrolin ang distansya at mayroon na siyang overall command sa ring. Sa taas na 5’6 at may 67 inches na reach, maliit si Pacman para sa welterweight at maging sa junior middleweight kahit pa ang laban ay isang catchweight sa 150lbs.
Ang 31-anyos na si Pacquiao ay may pro record na 51-3-2 (38 KOs). Isa sa pinakamahusay na record sa modernong kasaysayan ng boksing. Tinalo niya si Chatchai Sasakul sa kanyang unang titulo noong 90s. Dalawa ang kanyang panalo kina Marco Antonio Barrera at Erik Morales--dalawa sa pinakamahusay na lower-weight fighters ng mga nakaraang taon. Mayroon din siyang decision win kay future Hall of Famer Juan Manuel Marquez. Tinapos niya ang career nina Oscar De La Hoya at Ricky Hatton. Sa welterweight, dinaig din niya ang top guys na sina Miguel Cotto at Joshua Clottey. May 16 na boksingero na ang kanyang pinaluhod sa kanyang world title resumes.
Sa panig ni Margarito, isang slugger na kayang dalhin ang anumang ibigay o pakawalang suntok ng kanyang kalaban. Gusto ni Margarito na asintahin ang itaas na bahagi na katawan ng kanyang kalaban. Mabilis na magpakawala ng suntok, nakakahilo ang left hook.Maituturing siyang isang brawler. Kahit pa napabagsak ni Mosley, matatag na boksingero si Margarito. May taas siyang 5’11 at 73 inch reach, isang bentahe laban kay Pacquiao.
Kaya naman ang taas at laki ni Margarito, maging ang katatagan nito ay siguradong magbibigay ng problema kay Pacquiao. Kung kaya ni Margarito na duplikahin ang tila ‘ulol na asong’ performance na ginawa niya kay Cotto, inaasahang magandang laban ang mangyayari sa Linggo.
Isa sa dapat na bantayan ay ang bilis at overall sharpness, kung magagawa ni Pacquaio na diktahan sa simula pa lamang nang palitan ng suntok tiyak na malaki ang tsansa nito. Inaasahan ko na sa bilis at gilas ni Pacquiao mahihirapan si Margarito na makakuha ng momentum, Natural na hard hitter, aasa si Pacquiao sa kanyang bilis upang dominahin ang laban.
Pero kung sakaling makakuha ng momentum si Margarito, posible ring maiba ang stiwasyon, Inaasahang magkakaroon ng mga problema si Pacquiao kung maabot siya ng mga suntok ni Margarito.
Pero ang isang bagay na ito ang hindi kailangang bigyan ng prediksyon. Tiyak na magiging maganda ang laban, dahil hindi papayag si Manny Pacquiao na umalis siya sa ring na hindi maganda ang impresyon ng boxing fans.
- Latest
- Trending















