Ginebra itatagay ang 3rd win vs Rain or Shine
MANILA, Philippines - Maliban sa mga Beermen, ang Gin Kings ang ikalawang tropang nasa winning streak ngayon.
Matapos mabigo sa San Miguel, 68-69, noong Oktubre 17, dalawang sunod na panalo ang itinala ng Barangay Ginebra kontra Barako Bull, 93-74, at nagdedepensang Derby Ace, 93-82.
Hangad ang kanilang pangatlong dikit na ratsada, sasagupain ng Gin Kings ang Rain or Shine Elasto Painters ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang labanan ng Energy Boosters at Air21 Express sa alas-5 ng hapon sa elimination round ng 2010-2011 PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum
Kasalukuyang magkasalo sa liderato ang San Miguel at Talk ‘N Text, mula sa magkatulad nilang 4-1 rekord kasunod ang Alaska (3-2), Barangay Ginebra (3-2), Air21 (2-2), Rain or Shine (2-3), Meralco (2-3), Powerade (2-4), Barako Bull (1-3) at Derby Ace (1-3).
Kumpara sa Gin Kings, nagmula naman sa kabiguan ang Elasto Painters matapos matalo sa Bolts, 79-87, noong Oktubre 24.
“We’re getting better. We just have to have a good start and be able to sustain the flow of the game up to the end, sabi ni Ginebra coach Jong Uichico.
Muling ibabandera ng Gin Kings sina Jayjay Helterbrand, Mark Caguioa, Eric Menk, Ronald Tubid, Rudy Hatfield at JC Intal katapat sina Gabe Norwood, Sol Mercado, Jay-R Reyes, Ryan Araña at TY Tang ng Elasto Painters.
Nanggaling naman ang Air21 sa malaking 86-83 paggitla sa Alaska noong Oktubre 22, habang nakatikim ang Barako Bull ng isang 74-93 kabiguan sa Ginebra.
- Latest
- Trending