Amir Khan darating sa bansa
MANILA, Philippines - Mas magiging maaksyon ang mga sparring sessions ni Manny Pacquiao sa Baguio City sa mga darating na araw.
Ito ay dahil sa pagbiyahe ni Briton world welterweight champion Amir Khan sa Pilipinas upang tulungan ang Filipino world seven-division titlist sa preparasyon laban kay Mexican Antonio Margarito.
Muling magkakasama-sama sina Khan, Pacquiao at trainer Freddie Roach sa isang training camp matapos sa Wild Card Boxing Gym sa Hollywood, California.
“I get so much from working alongside Manny. We never fight over Freddie’s attention,” sabi ng 23-anyos na si Khan, makakasama sina Mexican Michael Medina at Dominican Glen Tapia bilang mga sparring partners ng 31-anyos na si Pacquiao, sa panayam ng Telegraph Sports.
Personal na hiniling ni Pacquiao (51-3-2, 38 KOs) kay Roach na papuntahin si Khan para maging sparmate niya.
“We’re just beginning to get the game plan down and get the timing and so forth. He did what I wanted him to do a couple of times. It’s a work in progress,”
Nakatakdang pag-agawan nina Pacquiao at Margarito (38-6-1, 27 KOs) ang bakanteng World Boxing Council (WBC) light middleweight belt sa Nobyembre 13 sa Cowboys Stadium sa Arlington, Texas.
Gagamitin rin ni Khan, may 23-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 17 KOs, ang naturang pagkakataon na paghandaan ang pagdedepensa sa kanyang suot na World Boxing Association (WBA) crown laban kay Marcos Maidana (29-1-0, 27 KOs) ng Argentina sa Disyembre sa Las Vegas, Nevada.
Hindi nakikita ni Khan na makakalaban niya si Pacquiao sa hinaharap.
“I’m sure by the time I get to that level he will be calling it a day. We train in the same camp and I’ve got too much respect for Manny to fight him,” ani Khan.
Darating rin sa bansa sina Julio Cesar Chavez, Jr. (41-0-0, 30 KOs) at Vanes Martirosyan (28-0-0, 17 KOs).
- Latest
- Trending