Letran Squires pasok sa Final Four
MANILA, Philippines - Sa kabila ng seven-man rotation, nakumpleto pa rin ng Letran Squires ang kanilang pagpasok sa Final Four.
Sa likod ng 25 points, 8 assists, 4 rebounds at 3 steals ni Mark Cruz, nakababatang kapatid ni PBA point guard Marvin Cruz, iginupo ng Squires ang St. Benilde Junior Blazers, 91-86, sa juniors’ division ng 86th NCAA basketball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Makakatapat ng Squires bilang No. 4 team ang nagdedepensa at No. 1 San Beda Red Cubs sa Final Four, habang lalabanan ng No. 2 San Sebastian Staglets ang No. 3 Perpetual Junior Altas.
Tangan ng Red Cubs at Staglets ang ‘twice-to-beat’ incentive kontra Squires at Junior Altas, ayon sa pagkakasunod.
Bago gibain ang Junior Blazers, pinayukod muna ng Squires ang Jose Rizal Light Bombers, 87-73, noong Sabado sa kanilang unang knockout match.
Nag-ambag si Mc Jour Luib ng 22 points para sa Intramuros-based dribblers kasunod ang tig-12 nina Aldrin Serafica at Ivan Villanueva, habang may 23 si Youth Olympic Games veteran Michael Pate para sa Junior Blazers. (Russell Cadayona)
Letran 91 – Cruz 25, Luib 22, Serafica 12, Villanueva 12, Nambatac 9, Cudal 6, Capinding 5.
CSB 86 – Pate 23, Torres 14, Vito 12, Sta. Maria 9, Vergara 8, Trajano 7, Bonleon 6, Diaz 4, Carlos 2, Marcial 0, Pumaren 0, Sayson 0, Villaruz 0.
Quarterscores: 23-21; 42-38; 71-64; 91-85.
- Latest
- Trending