Orcollo tutumbok sa semis sa US World Pool
MANILA, Philippines - Tumatag ang hangarin ni Dennis Orcollo na magkaroon ng makinang na paglalaro sa 2010 Party Poker.net World Pool Masters nang talunin si John Morra ng Canada, 8-3, sa quarterfinals na nilaro kahapon sa Riviera Hotel and Casino sa Las Vegas, Nevada.
Ang dating world number one ranked player na si Orcollo ay nakapagdomina matapos hawakan ang 4-0 kalamangan para makarating na sa semifinals sa torneong sinahugan ng $100,000 at ang magkakampeon nga ay magbibitbit ng $20,000.
“I played really well and I did everything. I won the first four games and I felt comfortable every time as I always had a shot. I had a lot of chances to clinch the game so I did,” wika ng tubong Bislig, Surigao del Sur na pool player.
Masaya siya at nakarating sa semifinals at inaasahan nga niya na titindi pa ang labanan mula sa yugtong ito.
“The competition is really great and the World Pool Masters is a wonderful event with so many top players so it’s been very hard to go into the semifinals. But I was always thinking positively and my mind was focused,” wika pa ni Orcollo.
Sunod na makakalaban ni Orcollo para sa puwesto sa Finals ay ang mananalo sa pagitan ng kababayang si Roberto Gomez at Ralf Souquet ng Germany nang manalo ang mga ito sa quarterfinals.
Tinalo ni Gomez si Jayson Shaw ng Scotland, 8-3, habang si Souquet ay nangibabaw kay Ricky Yang ng Indonesia, 8-6.
Tiwala si Gomez na mananalo kay Souquet dahil tinalo na umano niya ito sa unang pagkikita sa Taiwan.
Ang ibabang hati ng draw ay kinapapalooban naman ng tagisan nina Charlie Williams at Toru Kuribayashi at Thomas Engert at Oliver Ortmann.
Ang mga mananalo rito ang magtatagpo sa semifinals at siyang makakalaban sa mananalo sa pagitan nina Orcollo at ang papalarin kina Gomez at Souquet.
- Latest
- Trending