Angping handa nang iwan ang PSC
MANILA, Philippines - Kasabay ng pagtatapos ng termino ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Hunyo 30 ay posible na ring lisanin ni chairman Harry Angping ang Philippine Sports Commission (PSC).
Sinabi kahapon ni Angping na natural lamang na magsumite siya ng resignation letter sa magiging bagong pangulo ng bansa.
“Well, on June 30 whoever wins the election it’s just but proper for me to submit my resignation letter,” ani Angping. “Theoretically, I cannot just leave the PSC because I’m still the chairman until a new one is appointed.”
Noong Enero ng 2009 iniluklok ni Pangulong Arroyo si Angping bilang bagong chairman ng sports agency matapos si William “Butch” Ramirez.
Sa ilalim ng pamamahala ni Angping, gumanda ang estado ng pamumuhay ng mga national athletes sa Rizal Memorial Sports Complex sa Vito Cruz, Manila, sa Philsports Arena sa Pasig City at sa Teacher’s Camp sa Baguio City.
Ilang mahahalagang proyekto hinggil sa konstruksyon sa RMSC at Philsports Arena ang pinangunahan ng dating kinatawan ng Maynila sa Kongreso.
“I’m leaving the PSC with a clean bill of health, financially, in operations,” sambit ni Angping na umaasang ipagpapatuloy ng bagong uupong chairman ng PSC ang kanyang ilang programa.
- Latest
- Trending




















