Ateneo, Lyceum maghihiwalay
MANILA, Philippines - Mapanatili ang malinis na karta sa Group B ang hangad ng Lyceum at Ateneo habang ikalawang puwesto naman ang pakay ng UST sa kabilang grupo sa pagbabalik aksyon ng Shakey’s V-League Season 7 ngayon sa The Arena sa San Juan.
Ikatlong panalo ang paglalabanan ng Lady Pirates at Lady Eagles na matutunghayan sa tampok na laro matapos magtapat ang UST at University of St. La Salle dakong alas-2 ng hapon.
Makabangon buhat sa unang kabiguan na tinamo sa San Sebastian ang sinisipat ng nagdedepensang Lady Tigresses sa kanilang laro sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT My DSL sa suporta ng Shakey’s Pizza.
Kung mananalo, mapag-iibayo ng UST ang kasalukuyang karta na 2-1 bukod pa sa pagtulak sa USLS sa ikalawang kabiguan sa tatlong laro at makatabla ang pasok na rin sa quarterfinals sa Group A na Southwestern University.
Tiyak na mainit na pagtutuos ang matutunghayan sa tagisan sa tampok na laro dakong alas-4 sa ligang suportado rin ng Accel, Mikasa at Mighty Bond.
Tampok na tagisan ang nakasentro sa dalawang Thai imports ng magkabilang koponan na kung saan si Sontaya Keawbundit ang babandera sa Ateneo habang si Porntip Santrong naman ang mangunguna sa Lyceum.
- Latest
- Trending