Jones 'di na masusungkit ng Smart Gilas, pipirma na sa Suns
MANILA, Philippines - Kasabay ng kabiguang tinamo sa kamay ng Vrsac Hemofarm ay ang masamang balita na hindi makukuha ng Smart Gilas Pilipinas ang serbisyo ni Dwayne Jones bilang kanilang naturalized player.
Napahirapan sa angking taas ng katunggali na may ibinanderang 7’5 center bukod pa sa ilang seven-footers, tinamo ng koponang nagsasanay sa Serbia ang 67-98 kabiguan para sa ikalawang sunod at pangatlo sa tropang minamandohan ni Serbian coach Rajko Toroman.
Ang Vrsac ay number two team sa Serbian League ay binubuo rin ng tatlong Serbian national players, isang Slovenian national player at ilang batikang manlalaro ng bansa sa under-20 bracket.
Kawalan ng maipantatapat na malaki ang problema ng Gilas na siya ring naging problema nito nang natalo sa Mettalac Vallevo, 76-86, sa unang asignatura.
Nakabangon ang koponan sa SuperFund, 91-84, bago nabigo uli sa OOK Beograd sa 79-80 iskor.
Nadagukan pa ang hangaring makakuha ng malaking dayuhang sentro nang ang 6’11 na si Jones ay nakatakda ng pumirma ng kontrata sa Phoenix Suns sa NBA. Ang Suns ay nasa Playoffs at si Jones na naglaro sa Austin Toro sa D-League at nagtala ng 17.6 puntos,16 rebounds at 1.8 blocks upang mapili rin sa All Star Game, ay hahalili sa puwestong iiwan ni Robin Lopez.
- Latest
- Trending