PH weightlifting team muling isasabak
MANILA, Philippines — Matapos ang pagpapakitang-gilas ng mga kabataang Pinoy sa katatapos na Asian Youth and Junior Weightlifting Championships sa Doha, Qatar ay isasabak sila ng Samahang Weightlifting ng Pilipinas (SWP) sa panibagong mga weight category na ipatutupad ng International Weightlifting Federation.
Ihinayag ito ni SWP president Monico Puentevella makaraang magwagi ang national weightlifting team sa Doha ng limang gold, 10 silver at 10 bronze medals.
“It’s a big adjustment for us, but we are working on it now with the young lifters we had,” ani Puentevella noong Miyerkules.
Bumuhat ng tig-dalawang gold sina Jhodie Peralta (women’s youth 55kg snatch, total lift) at Aldrin Colonia (men’s youth 55kg snatch, total lift) sa paggiya sa atake ng mga PH lifters.
Nakopo rin ni Peralta ang silver sa clean and jerk kung saan ay inangat nito ang 100kg sa youth women’s 55kg division.
Ayon kay Puentevella nakatuon din ang SWP na maging pambato ng bansa sina Peralta at Colonia sa susunod na 33rd Southeast Asian Games sa Thailand at sa 2028 Asian Games sa Japan.
Nagkuwintasan din ng gold medal si Eron Bores (men’s youth 49kg snatch).
Ang iba pang nag-uwi ng medalya ay sina Althea Bacaro, Princess Jay Ann Diaz, Alexsandra Diaz, Rose Jean Ramos, Angeline Colonia, Rosalinda Faustino at Prince Keil delos Santos.
- Latest