PSN/ PM Sports... Mam Dina
MANILA, Philippines - Pumanaw na kahapon ng madaling araw ang beteranong sports editor ng Pilipino Star Ngayon na si Dina Marie dela Cruz Villena sa Medical Center Manila dahilan sa komplikasyon mula sa sakit na kanser.
Siya ay 51-anyos.
Si Villena, anak ng yumaong photographer-turned-sportswriter na si Ric dela Cruz, ay maituturing na haligi ng sports media sa pagiging beterano sa mga local at international coverages.
Nakoberan niya ang mga mahahalagang pangyayari sa Marlboro Tour, mga aksyon sa Philippine Basketball Association (PBA) at maging sa Southeast Asian Games at Asian Games.
Noong 1990’s siya nailuklok bilang sports editor ng Pilipino Star Ngayon na kanyang hinawakan hanggang sa huli niyang hininga.
Palagiang nakangiti at nagbibigay ng inspirasyon sa kanyang pamilya at mga kasamahan sa trabaho, hindi sumuko si Villena sa kanyang laban kontra kanser dalawang taon na ang nakararaan.
Bagamat kailangan niyang magpahinga sa trabaho sa PSN para sa kanyang treatments, tiniyak niyang palagi siyang nasa gitna ng anumang aksyon kung kailangan siya ng kanyang mga kasamahan.
Sa kanyang pagkokober sa nakaraang 25th SEA Games sa Laos noong Disyembre, personal niyang ginabayan ang nagkasakit na kasamahang si Arman Armero pauwi sa Pilipinas para sa isang emergency operation.
Naging maganda ang kondisyon ni Villena hanggang sa gitna ng buwan ng Enero ay nakaramdam siya ng matinding sakit ng ulo.
Naipasok siya sa ospital tatlong araw bago ang Valentine’s Day at hindi na nakabawi pa sa kanyang karamdaman.
Inulila ni Villena ang kanyang asawang si Rolly, mga anak na sina Lani, Leslie, Lorraine, LJ at pinakamamahal na apong si Kish.
Ang kanyang mga labi ay nakatakdang dalhin ngayong alas-2 ng hapon sa Don Bosco Chapel sa Makati Pasong Tamo.
Ang libing ay ihahayag na lamang.
- Latest
- Trending


















