Shooting at archery, gagawin ang lahat ng makakaya
MANILA, Philippines - Walang maibibigay na prediksyon sina archery association president Dra. Leonora Brawner at national shooting legend Nathaniel "Tac" Padilla para sa 25th Southeast Asian Games sa Laos.
Ito ang kapwa sinabi kahapon nina Brawner at Padilla sa lingguhang PSA sports forum sa Shakey's sa U.N. Avenue, Manila hinggil sa darating na kampanya nila sa 2009 Laos SEA Games.
Ayon kay Brawner, malaki ang epekto sa kanilang mga atleta ng kakulangan sa suporta mula sa Philippine Sports Commission (PSC) bukod pa sa hindi paglahok ni Amaya Paz, naging double-gold medalist sa 2005 Philippine SEA Games.
Pangungunahan ni 2008 Beijing Olympic Games campaigner Mark Javier ang six-man national team na sasabak sa 2009 Laos SEA Games sa Dis-yembre 9-18 kasama sina Jennifer Chan, Earl Yap, Dondon Sombrio, Fermin Barranachea at Abigail Tindugan.
Sa 2007 SEA Games sa Nakhon Ratchasima, Thailand, tumudla ang mga national archers ng kabuuang dalawang ginto, isang pilak at isang tansong medalya.
Kagaya ni Brawner, hindi rin makapagbigay si Padilla ng katiyakan na makakaputok sila ng gintong medalya sa 2009 Laos SEA Games dahil sa patuloy na paglakas ng Vietnam, Thailand at Singapore.
Kumuha ng ilang miyembro ng Chinese national squad ang Singapore para gawing 'naturalized citizens', habang humugot naman ng European coaches ang Vietnam at Thailand.
Para sa 2009 SEA Games at sa 2010 Asian Games, nagbigay si Philippine Sports Commission (PSC) chairman Harry Angping ng dalawang Chinese mentors na tutulong sa mga Filipino shooters.
Sasabak si Padilla sa rapid fire, standard pistol at center fire pistol event katulad nina Ronald Hejastro at Robert Donalvo, habang lalahok naman si Emerito Concepcion sa 10-meter air rifle at sasali si Carolino Gonzales sa free pistol at air pistol competitions. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending