2 ILLAM team bigong makapasok sa finals ng World Series
MANILA, Philippines - Lumasap ng mapait na kabiguan ang Philippines, na kinakatawan ng Little League of the Philippines (ILLAM) at mabigong umusad sa finals ng 2009 Junior Softball and Senior Baseball World Series sa Amerika.
Ang ILLAM Juniors, ang unang RP team na nakapasok sa series sa huling tatlong taon, ay lumasap ng 7-3 kabiguan sa Latin American team mula sa Maunabo, Puerto Rico.
Sa simula pa lang ay naghabol na ang ILLAM Juniors, na kumakatawan sa Asia-Pacific sa 10-team tournament na ito para sa mga players na may edad 13-14 taong gulang, sa 7-0 at hindi man lang nakaporma o nagbanta ng panalo sa Everest Park sa Kirkland, Washington.
Haharapin ng koponan mula sa Puerto Rico ang US Central team ng Elyria, Ohio sa finals.
Makakalaban naman ng ILLAM ang South Tampa para sa third place.
Sa Senior Baseball, sa may Shawn T. Mansfield Stadium sa Bangor, Maine, tumanggap naman ng 6-1 pagkatalo ang ILLAM squad sa Texas team na kumakatawan sa Southwest.
Nakatakda namang harapin ng ILLAM seniors ang Aruba para din sa third place.
- Latest
- Trending