JRU kakapit din sa tuktok
MANILA, Philippines - Hindi patitinag sa lakas ng San Sebastian, aa-sintahin ng Jose Rizal na maitabla ang baraha upang malagay sa tuktok, sa pamamagitan ng pagbuwag sa Mapua Cardinals nga-yong araw, dakong alas-2 ng hapon para sa pagpapatuloy ng 85th NCAA basketball tournament sa The Arena.
Sa kabila ng pagluluksa ng trahedyang pagkamatay ni dating team captain Jayson Nocom dahil sa vehicular accident noong Lunes sa Batangas, pagpupursigehan nilang maitayo ang bandera para sa isang kaibigang naghangad ng kampeonato.
Ang labi ng namayapang si Nocom ay iuuwi ngayon sa Mindoro.
“It will be a very emotional game, I just hope we can dig deeper and play above losing our team captain and protector last year,” anang Jose Rizal coach na si Ariel Vanguardia,
Dahil dito, inaasahang magdidikit ang buong tropa ng masking tape sa kani-lang dibdib na may No. 10 na siyang jersey number ni Nocom na mayroon nang 3 seasons na napagdaanang kung saan mayroon itong average 6 points, 5 rebounds maging ang pamumuno niya sa kanyang koponan ay hindi rin malilimutan ng buong grupo.
Hihilingin rin ni Vanguardia sa liga na baguhin ni 6’7 Cameroonian Joe Etame ang kanyang jersey number para mabigyan ng karampatang respeto ang lumipas na player. “I might not allow anyone to use that number and we will request the NCAA to allow Etame to change his number since he hasn’t really player yet and he has no records,” pahayag ni Vanguardia.
Buhat sa mga napagdaanang bakbakan, nananatiling matatag ang pwersa ng Bombers higit lalong dedikado silang maiuwi ang kampeonato alang alang sa nawalang kaibigan.
Samantala, buong giting ding haharapin ng Mapua ang pasabog na handa ng Bombers matapos malaglag sa pakikipagtipan nito sa guest team na Emilio Aguinaldo, 68-80.
Sa isa pang laro, pakay ng Letran na mapaganda ang hawak na 3-3 baraha at manatili sa No.4 slot sa pakikipagtagisan nito ng galing kontra Angeles U Foundation sa ganap na alas-4 ng hapon.
Samantala, bilang pagpapatupad ng mga alintuntunin ng laban, papatawan ng isang araw na suspensyon sina Chuck Dalanon at Jan Tan ng St. Benilde at Chuck Gomez ng AUF dahil sa unsportsmanship behavior na ipinakita nila noong Lunes.
Kinondena sina Dalanon at Tan dahil sa bench clearing nang matalo ito sa Emilio Aguinaldo habang dahil sa punching foul na binitawan pinarusahan si Gomez sa laban nito kontra San Sebastian.
“FIBA rules doesn’t automatically suspend a player for bench clearing, its the NCAA rule that says so,” ayon sa league commissioner na si Aric del Rosario. (SNF)
- Latest
- Trending