Laban ni Fortaleza
Hindi pa nagpapahinga si Ricardo Fortaleza mula nang magdala ng dalawang boksingero mula sa Australya sa SMART-ABAP National Open Amateur Boxing Championships sa Bacolod pitong buwan na ang nakalilipas. Sa kanyang pagbalik sa bago niyang tahanan sa New South Wales, Australia, ang da-ting Olympian ay naghanap ng mga Pilipino at mga Fil-Aussie na boksingero bilang suporta sa programang makakuha ng gintong medalya sa Olympic Games.
Si Ric ay isa sa apat na magkakapatid na Fortaleza na naghari sa amateur boxing mula dekada ng 1960's hanggang sa 1970's. Ang bunsong kapatid niyang si Roger ay naging secretary-general ng ABAP.
Bilang isang bantamweight, nakuha ni Ric ang gintong medalya sa unang Asian Youth Championships sa Tokyo, at nagtagumpay din sa Asian Games sa Bangkok. Limang taon din siyang kampeon sa Philippine National Games. Noong 1986, pinakilala ni Fortaleza ang boxing sa Oman, at tinulungang makapasok ang bansa sa Seoul Olympics, kung saan niya nasaksihan ang isang kababayan, si Leopoldo Serrantes, na makakuha ng pilak na medalya. Nagunita niya ang kanyang pagkabigo sa 1972 Munich Olympics.
"Dati ko pang gustong makapagbigay ng Olympic gold medal sa Pilipinas," salaysay ni Fortaleza. "Hindi pa namamatay iyang pangarap na iyan. Now, I'm excited because of the talent I've found here in Australia. I feel I can still deliver on my promise, through one of my students."
Si Fortaleza ang nagpapatakbo ng Blacktown Hit Squad (BHS), isang tanyag na boxing gym sa New South Wales. Itatanghal niya ang "1st BHS Amateur Boxing Fight Night - 10 bouts" sa July 25 sa BHS Boxing Gym sa 3rd Avenue sa Blacktown. Matutunghayan ng mga manonood ang 17-year old Filipino-Australian na si Robin Palileo na tubong Lalor Park. Ang 57-kilogram na si Palileo ang 2008 New South Wales PCYC-ABA State Champion at Australian Open runner-up. Noong Enero, nakuha ni Palileo ang ginto sa SMART-ABAP National Open.
Ang torneo ay magiging unang pagpapakita rin ng isang pang Fil-Aussie, ang 60-kilogram na si Christian Stephen Del Villar. Kasama rin ang ibang miyembro ng BHS team na pawang mga NSW State Champion, kabilang sina Michael Hudson (60 kilograms) at ang 64 kilogram na si Bazhir Sadiq, na maganda rin ang ipinakita sa National Open.
Sa mga susunod na buwan, makikilala pa natin ang ibang nadiskubre ni Fortaleza sa Australya na maaaring makatulong sa pag-asenso ng Philippine boxing.
- Latest
- Trending