RP football team 'di na pinaglaro
MANILA, Philippines – Agad na lumasap ang kampanya ng Philippine sa first Asian Youth Games sa Singapore ng masaklap na kabiguan matapos na pormal ng magdesisyon ang mga organizers na tuluyan ng tapyasin ang RP football team sa kanilang roster makaraang ang isa sa kanilang manlalaro ay mag-positibo sa Influenza A(H1N1) virus.
Nakatakdang bumalik ng Manila ang mga miyembro ng koponan na nagsanay ng mabigat para paghandaan ang nasabing torneo sa June 28, isang araw kung saan ang iba pang kinatawan ng bansa sa walong iba pang sports disciplines ay aalis naman patungong Singapore para sa nasabing event na magtatapos sa July 7.
Sinipa rin ang football team mula sa Hong Kong sa kompetisyon matapos na ang apat na manlalaro nito ay makitaan ng mga senyales ng virus.
Tumagal ng halos 24-oras bago ibinaba ng mga opisyales ng Football Association ng Singapore ang kanilang desisyon base na rin sa matigas na rekomendasyon ng kanilang Ministry of Health na i-quarantine ang lahat ng miyembro ng RP football team sa loob ng pitong araw.
“They cannot just go against the law,” ani Philippine Football Federation president Mari Martinez.
Kinakitaan ng senyales ang 14-anyos na si Claudio Lopa, dumating sa Singapore kasama ang iba pang miyembro ng RP team nitong nakaraang Huwebes ng mataas na lagnat kinabukasan. At matapos ang ilang serye ng pagsusuri, siya ay nagpositibo sa nasabing virus.
- Latest
- Trending