Reyes-Cone rivalry inaabangan
MANILA, Philippines — Asahan ang matinding bakbakan sa PBA Commissioner’s Cup best-of-seven championship series sa pagitan ng Barangay Ginebra at Talk ’N Text na magsisimula sa Biyernes.
Subalit hindi lamang sa dalawang teams nakatutok ang lahat dahil inaabangan na rin ang mental game ng dalawang beteranong coaches na sina Gin Kings mentor Tim Cone at Tropang Giga head coach Chot Reyes.
Parehong malalim ang karanasan ng dalawang mahusay na coaches partikular na sa finals dahil makailang ulit na itong nagharap sa isang championship showdown.
Naging magkasama na rin sina Cone at Reyes sa programa ng Gilas Pilipinas sa mga nakalipas na taon.
Sa katunayan, matapos ang FIBA World Cup na ginanap sa Pilipinas noong 2023, si Cone ang humalili sa nabakanteng puwesto ni Reyes sa Gilas Pilipinas.
“I think the more important thing is the legacy that we leave,” ani Reyes.
Pareho rin na maningning ang kanilang mga PBA coaching careers.
Hawak ni Cone ang titulo bilang winningest coach sa PBA tangan ang makislap na 25 korona.
Sa kabilang banda, may 10 korona na si Reyes sa liga.
“Hopefully we’re two coaches who are not only coaching for the victory of our respective teams but to really leave a mark and a legacy on Philippine coaching,” dagdag ni Reyes.
Magkaibigan sina Cone at Reyes sa labas ng court.
Ngunit lumalabas ang pagiging competitive ng dalawa sa oras na tumuntong ang mga ito sa loob ng court.
“You know, we’re friends, but we also know we’re competitors. And we like to compete,” ani Cone.
Nilinaw din ni Cone na malaki ang respeto nila sa isa’t isa kaya’t walang nagiging problema anumang isyu ang ibato sa kanila.
- Latest