Reyes pumirma na rin sa Talk N Text
Maximum contract din ang ibinigay ng Talk N Text sa No. 4 pick na si Rob Reyes.
Katulad nina top draft pick Gabe Norwood at ang No. 5 pick na si Solomon Mercado ng Rain or Shine ang No. 2 pick ng Phone Pals na si Jared Dillinger, pumirma si Reyes ng P8.7 milyong tatlong taong kontrata.
Si Reyes ay tatanggap ng P150,000 kad-buwan sa kanyang unang taon, P225,000 sa ikalawang taon at P350,000 sa huling taon ng kanyang kontrata na siyang maximum salary ng isang rookie na pinahihintulutan ng PBA.
Samantala, sinabi ni Purefoods team manager Alvin Patrimonio na kailangan munang patunayan ng kanilang mga draftees na sina Beau Belga at Jonathan Fernandez na karapat-dapat silang maging bahagi ng team.
Ayon kay Patrimonio, mananatili sa team sina James Yap, Kerby Ray-mundo, Enrico Villanueva, Chico Lanete, Roger Yap, Jondan Salvador at Peter June Simon habang kinukunsidera namang free agents sina Chad Alonzo at Al Vergara.
Magreretiro na sina Rey Evangelista at Noy Castillo.
Sa iba pang balita, walang naku-hang mahusay na player sa draft, tutungo ang Sta. Lucia sa US para mag-training.
Aalis ang Realtors ngayon para sa apat na araw na bakasyon sa San Francisco na bahagi ng kanilang bonus sa pagkapanalo sa Philippine Cup bago sasailalim sa isang training sa Boston at sa New Hampshire.
“We’ll whip up the boys in training. We have no other choice but to work hard with the other teams definitely improving from the draft,” ani Buddy Encarnado, ang top official ng Sta. Lucia na humugot kina Chito Jaime at Kelvin Gregorio sa PBA Annual Rookie draft noong Linggo. (Mae Balbuena)
- Latest
- Trending





















