^

PSN Opinyon

Sino ang higit na karapat-dapat sa silya ng Bise?

Pabida - June G. Trinidad - Pilipino Star Ngayon

Sa gitna ng maiinit na balita tungkol sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, lumulutang ang iba’t ibang katanungan kung ano ang mangyayari sakaling hatulan siyang guilty ng Senado.

Ayon sa Seksyon 9 ng Artikulo VII ng 1987 Konstitusyon, kung tuluyang ma-convict at matanggal sa puwesto ang bise presidente, ang Pangulo ang magtatalaga ng kapalit mula sa mga miyembro ng Senado o Kamara de Represen­tantes, na kakailanganing kumpirmahin sa pamamagitan ng mayoryang boto ng parehong kapulungan ng Kongreso na hiwalay na boboto.

Mahaharap si VP Sara sa habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng anumang pampublikong tungkulin na tuluyang magpapatigil sa mga plano nito para sa 2028 presidential elections kapag napatunayang guilty.

Isa si Senate Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero sa mga unang lumulutang na pangalan na maaaring piliin ng administrasyon.

Gayunpaman, hayagang idiniin ni Escudero na hindi niya tatanggapin ang anumang alok na maging kapalit sakaling mabakante ang posisyon.

Noong nagdaang mga buwan, lumabas ang mga espe­kulasyon na tinitingnan din si House Speaker Bojie Dy bilang posibleng kapalit.

Ipinaliwanag ng mga political analysts na hindi limitado sa Senado ang pagpipilian ng Pangulo at maaari itong mag­mula sa Kamara alinsunod sa batas.

Hinamon naman ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang kanyang mga kasamahan sa Senado na sundan ang hakbang ni Escudero na itakwil o huwag tanggapin ang anumang nominasyon o alok sa pagka-Bise Presidente sakaling mapatunayang nagkasala at matanggal sa pwesto ang pangalawang pangulo.

Bilang mga senator-judges, ang pangunahing papel ng bawat mambabatas sa tribunal ay hindi ang maging tagausig o tagapagtanggol, kundi ang tumayo bilang mga patas at walang-kinikilingang hukom.

Ngunit paano maniniwala ang publiko na sila ay walang kinikilingan kung sa bawat hatol na kanilang ibubukas sa sobre, may anino ng personal na ambisyon?

Kapag ang isang senator-judge ay may tsansang umupo o makuha ang posisyon ng bise presidente sakaling mabakante ito dahil sa pagpapatalsik, ang bawat boto niya—pabor man o laban sa hatol—ay bibigyan ng masamang kahulugan.

Ang tunay na dangal ng isang senador ay nasusukat hindi sa kung anong mataas na posisyon ang maaari niyang makuha sa gitna ng krisis, kundi sa kanyang tapang na ilagay sa alanganin ang sariling ambisyon para lamang manatili ang katarungan at tiwala ng bayan.

Habang patuloy ang mga pagdinig at debate ukol sa mga paratang—tulad ng isyu sa confidential funds at SALN—nana­natiling espekulasyon ang mga usapin sa pampalit hangga’t walang pormal na hatol ang Senate impeachment court.

SARA DUTERTE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with