Diaz kabilang sa torchbearer ng Aichi-Nagoya Asiad

NAGOYA, Japan -- Muling nagbalik dito si Tokyo Olympics gold medalist Hidilyn Diaz-Naranjo para maging isa sa mga tatayong torchbearers ng 20th Asian Games Aichi-Nagoya.
Gumawa ng kasaysayan ang 35-anyos ngayong si Diaz-Naranjo nang buhatin ang kauna-unahang Olympic gold ng Pilipinas limang taon na ang nakakalipas.
Winakasan ng lady weightlifter ang pagkauhaw ng bansa sa Olympic gold simula sa Olympics noong 1924.
Sa kanyang pagbabalik dito noong Huwebes ay sinalubong ang weightlifting queen ni Philippine Olympic Committee President Abraham “Bambol” Tolentino.
“Keep the fire burning,” ang maikling pahayag ng tubong Zamboanga City sa mga miyembro ng Team Philippines na tatarget ng gintong medalya sa Aichi-Nagoya Asiad.
Bumuhat na rin si Diaz-Naranjo ng gold medal sa Asian Games sa Jakarta-Palembang, Indonesia noong 2018 edition.
Minalas siyang masundan ito sa Hangzhou, China noong 2023 sa kanyang pag-akyat ng weight class.
Inaasahang susunod sa mga yapak ni Diaz-Naranjo sa pagbibigay ng karangalan sa bansa sina tennis sensation Alex Eala, double Olympic gold medalist Carlos Yulo, jiu-jitsu ace Annie Ramirez, pole vault star EJ Obiena at ang esports squad.
- Latest


















