Robin at Ivana trending sa socmed
Sa tuwing tumatayo at magsasalita sa Senate Impeachment Court si Senator Robin Padilla, agad siyang nagti-trending sa social media. Sa huling pagdinig sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte sa Senado, nagulantang muli ang publiko nang tumindig ang Senador na tila handang makipaglaban sa patalasan ng isip bitbit ang listahan nito ng mga rebelde o makakaliwang grupo na may mga aliases, at maging mga bayaning namayapa na.
Inihalimbawa rin niya si dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. na gumamit din ng alias na “Marcial Bonifacio”sa panahon ng kanyang pakikibaka. Kaya agad at pasimpleng pumalag ang kapwa Senador na si Bam Aquino na pamangkin ng namayapang si Ninoy.
Pinuna ng mga netizen na ang paggamit ni Sen. Padilla ng mga alyas ay maituturing na “misguided analogy” para ma-justify naman nito ang mga kakaibang mga pangalan o alyas na nakatala sa mga acknowledgement receipts ng nalustay na confi funds ni VP Sara. Kaya naman sa galit ng mga netizens, katakot-takot na mura, kutya ang inabot muli ng Senador at tinawag pa siyang “8080”.
Tulad ni “Bad Boy”, mainit na pinag-uusapan ngayon ang aktres na si Ivana Alawi. ‘Di ko siya personal na kilala, pero madalas na dumadaan ang reels niya sa FB ko lalo na ang mga pagtulong nito sa mga nangangailangan.
Nitong huli, trending ang pamimili niya ng mga goods kasama ang pamilya na kanila raw ipamamahagi sa mga nasalanta ng baha dulot ng mga bagyo at habagat. Hanggang sa dumating na nga ang araw ng pamamahagi. Dala ang malaking truck, ipinuwesto sa tubig-bahagi at masayang pumila ang mga biktima ng baha. Bawat taong pumila ay may pack ng goods at tila inaabutan pa sila ng cash.
Sa kabila nito, mayroon pa ring pumuna na ginagamit lang daw ni Ivana ang mga mahihirap para siya kumita dahil sa dami ng kanyang mga viewers. Ipinagtanggol naman agad si Ivana ng mga netizens, fans at lalo na ang kanyang mga natutulungan. Maigi pa raw si Ivana, kahit walang “maleta” at wala sa gobyerno ay may puso sa mga mahihirap na handang tumulong sa panahon ng kagipitan.
- Latest















