^

Punto Mo

EDITORYAL - Gustong matapos agad ang hearing pero hindi dumadalo

Pang-masa

GUSTO ni Vice President Sara Duterte na matapos na agad ang kanyang impeachement trial. Ayon sa Vice President, dapat umanong sumunod ang Senate Impeachment Court sa 1987 Constitution at bilisan ang mga pagdinig para matapos na ito.

Pero ang kabalintunaan nito, hindi siya dumadalo sa mga pagdinig. Sa loob ng pitong linggo at 16 na araw ng paglilitis, ni minsan ay hindi pa siya dumalo. Hindi man lang siya nagpakita sa hearing.

Sa isang interview sa Zamboanga City, sinabi ni Sara na hindi na kailangan pang personal siyang dumalo dahil fully represented siya ng kanyang defense team. Katumbas daw ito ng kanyang sariling pag­harap. Hini­ling niyang bilisan ng Senado ang proseso, gaya ng nakasaad sa Saligang Batas.

Pero paano matatapos ang isang paglilitis kung ang mismong nililitis na opisyal ang umiiwas at ayaw magsalita sa inaakusa? Hanggang ngayon, walang sagot kung bakit gumamit ng mga pangalang “Mary Grace Piattos”, bilang mga umano’y tatanggap ng halos P125 milyong confidential funds mula sa Office of the Vice President. Walang sagot kung paano nagastos ang P612.5 milyong pondo na sinasabing maling nagamit sa OVP at Department of Education. Mga tanong na tanging siya lang, hindi ang kanyang mga abogado, ang makasasagot.

Ito ang dahilan kung bakit maling akala na kapag “fully represented” ka na sa papel, kumpleto na rin ang katotohanan. Sabi mismo ni House prosecution spokesperson Ace Barbers, hindi puwedeng piliin lang niya kung kailan siya susunod sa proseso at kailan hindi.

Ihambing ang paglilitis noong 2012, kung saan re­gular na humarap si dating Chief Justice Renato Corona sa sariling paglilitis. Anim na buwan lamang, natapos na iyon kung saan buo ang testimonya, malinaw ang naging desisyon. Ngayon, 92 araw ang inilaan para sa paglilitis ni Sara, at sa mga unang linggo pa lamang, mas pinili niyang dumalo sa isang rally sa The Hague para sa kanyang ama kaysa personal na sagutin ang mga akusasyon laban sa kanya.

Hindi puwedeng humingi ng bilis habang nagtatago sa katotohanan. Kung talagang gusto niyang matapos agad ang usaping ito, ang sagot ay hindi ang pag-iwas, ang sagot ay ang personal na paghaharap. Dumalo siya at sagutin ang mga tanong. Doon lang matatapos ang lahat, hindi sa pagpapaubaya sa abogado, kundi sa pag­harap mismo sa impeachment trial. Kung gustong maging madali o mabilis ang pagtalakay sa usapin, dapat huma­rap si Sara sa pagdinig.

SARA DUTERTE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with