^

PSN Opinyon

Mahalagang payo para sa mga kalalakihan

DOC WILLIE - Dr. Willie T. Ong - Pilipino Star Ngayon

SA mga kalalakihan na lampas 40-anyos, kailangang magpa-check-up lalo na ang mga may lahi ng sakit sa puso, dia­betes at kanser. Gawin ang mga sumusunod:

1. Magpa-blood test taun-taon. Complete blood count. Creatinine para sa kidneys, uric acid para sa arthritis, cholesterol para sa puso, fasting blood sugar para sa diabetes, at SGPT para sa atay.

2. Magpa-urinalysis para masuri ang kidneys at malaman kung may impeksyon sa ihi.

3. Magpa-chest X-ray para makita ang baga at puso. Kailangan ito lalo na kung naninigarilyo at laging may ubo.

4. Magpa-ECG para malaman kung may sakit sa puso.

5. Magpa-PSA test para mabantayan ang prostate. Kapag nagkakaedad ang lalaki, lumalaki ang prostate. Minsan ay nagiging kanser pa ito.

6. Magpa-colonoscopy para mabantayan ang colon­ cancer. Para makaiwas sa colon cancer, kumain nang mara­ming gulay at prutas. Ipa-check din ang dumi para maka­siguro na walang dugo.

7. Itigil ang paninigarilyo. Ang sigarilyo ay nagdudulot ng kanser sa bibig, lalamunan, leeg at baga.

8. Gawing katamtaman ang pag-inom ng alak. Kapag nasobrahan sa alak, masisira ang atay, bituka at utak.

9. Mag-ehersisyo nang regular. Ang tamang pag-eher­sisyo ay 30 minutos hanggang 1 oras. Gawin ito ng 3-5 beses sa isang linggo. Huwag magpataba.

10. Alamin ang blood pressure. Ang normal na blood pressure ay 120 over 80. Kapag lumampas sa 140 over 90, may altapresyon na. Magpa-check-up sa doktor.

11. Iwasang ma-stress. Masama ang stress sa katawan dahil naglalabas ito ng cortisol. Ang cortisol ay nakasisira sa organs ng katawan.

12. Magpabakuna. Para sa mga edad 50 pataas, kailangang magpabakuna laban sa pulmonya at trangkaso.

* * *

Narito naman ang mga pagkain na bagay sa kalalakihan para sila ay maging malakas at ligtas sa sakit.

1. Matabang isda tulad ng dilis, sardinas, bangus, tanigui, tuna, tawilis – Ang sustansyang nakukuha sa isda ay ang omega-3 fatty acids. Ang fatty fish ay posibleng tumutulong laban sa sakit sa puso, stroke, hypertension, depression, joint pain, lupus at rheumatoid arthritis.

2. Mga beans at munggo – Mababa sa taba, ang mga beans ay isang mahusay na pinagmumulan ng protina at fiber. Maaaring magkaroon ng proteksiyong epekto ang beans laban sa sakit sa puso at kanser.

3. Kamatis at Tomato sauce – Ang kamatis ay may lycopene, isang mabisang panglaban sa prostate cancer sa lalaki at sakit sa puso. May tulong ang lycopene sa balat at pagprotekta laban sa UV light ng araw.

4. Red meat – Ang karagdagang protina ay nakapagpapalusog. Ang protina ay gumagamit din ng mas maraming calories at nasusunog ang protina. Ang amino acid leucine ay matatagpuan sa red meat. Mahalaga ang amino acid dahil sa pagpapatatag ng masel sa katawan. Piliin ang lean meat na walang taba. Kumain ng katamtaman

5. Seafoods – Ang alimango, tulya, talaba, hipon at iba pang shellfish ay may Zinc, mababa sa calories at mataas sa protina. Kailangan ng lalaki ang zinc para makabuo ng semilya. Tinutulungan din nito ang iyong prostate. Kung ikaw ay kulang sa Zinc, tataas ang tsansa na ikaw ay magkaroon ng prostate cancer.

6. Saging at potassium – Para sa mga masakit na kalamnan at pulikat. subukan ang saging. Kung sapat ang potassium ay puwede makaiwas sa mga ito. Ang saging ay puno sa potassium. At kung ikaw ay may high blood, ang potassium ay mahalaga bilang pagbawas ng sodium para mapababa ang blood pressure.

7. Green leafy vegetable – Madahon at berdeng gulay ang kangkong, malunggay, spinach, alugbati, dahon ng sili at lahat ng talbos. Ito ay mayaman sa antioxidants lutein at zeaxanthin na mabuti sa paningin. Ang phytochemicals sa gulay ay pinatataas ang cellular health at makatutulong sa pagpapababa ng tsansa na magkaroon ng kanser.

8. Orange na gulay – Subukan ang mga karot, kamote, kalabasa at orange bell peppers. Ang orange na gulay ay may maraming bitamina C, lutein at beta-carotene. Mabuti ito sa mata at pinipigilan ang sakit sa puso at kanser. Kaya kumain ng maraming mga gulay na iba’t iba ang kulay.

9. Itlog – Ang itlog ay masarap at masustansyang protina na puwede idagdag sa iyong pagkain. Ang isang malaking itlog ay mayroong six grams ng protina, 63 mg potassium at 78 calories lamang. Puwedeng kumain ng isang itlog bawat araw.

10. Luya – Ang luya ay may tulong sa masakit na kalamnan. Ang luya ay mabisa sa pamamaga, tulad ng pain relievers. Sa pag-aaral sa mga pasyenteng may arthritis sa tuhod, ang katas ng purong luya ay nakababawas ng paninigas at sakit ng 40 percent. Ang salabat ay maganda rin sa pagduduwal, mabilis na paggaling at pag-alaga ng boses.

DOC WILLIE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with