Semis target ng Nxled
MANILA, Philippines — Ang unang tiket sa semifinal round ang puntirya ng nangungunang Nxled sa pagharap sa Akari sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab Series.
Target ang ikaanim na sunod na panalo, lalabanan ng Chameleons ang Chargers ngayong ala-1 ng hapon, habang magtutuos ang Creamline Cool Smashers at Choco Mucho Flying Titans sa alas-6 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Solo ng Nxled ang liderato tangan ang 5-0 baraha sa itaas ng Creamline (4-1), Farm Fresh (4-2), PLDT (3-3), Akari (3-3), Choco Mucho (3-3), Capital1 Solar Energy (2-4), ZUS Coffee (1-5) at Galeries Tower (1-5).
Nagmula ang Chameleons sa 25-13, 25-20, 25-18 pagwalis sa Solar Spikers para sa kanilang ika-5 sunod na ratsada.
“I know everybody’s got their own system and strategy, etcetera. But I really think that now, the girls are really good at doing what I’m asking them to do,” ani Italian coach Ettore Guidetti.
Pinabagsak naman ng Chargers ang Flying Titans, 25-19, 22-25, 25-21, 19-25, 16-14, para sa kanilang bounce back win.
Muling aasahan ng Nxled sina Fil-Ams Brooke Van Sickle at MJ Phillips katuwang sina Myla Pablo, Jonah Sabete-Escamillan, Jackie Acuña, EJ Cariño, setter Gel Gayuna at libero Bangs Pineda.
Itatapat ng Akari sina Ivy Lacsina, Eli Soyud, Faith Nisperos, Ced Domingo, Grethcel Soltones, Chenie Tagaod at setter Mars Alba.
- Latest





















