^

PSN Opinyon

P50 milyon kay Bato?

ORA MISMO - Butch M. Quejada - Pilipino Star Ngayon

P50 milyon, mga pare! Hindi ’yan barya na nahulog lang sa bulsa. Pinaghirapan ’yan ng mga Pinoy—drayber, tindera, construction worker at ordinaryong manggagawang araw-araw kumakayod para may maipakain sa pamilya.

Kaya nang ianunsiyo ng DILG ang P50 milyong pabuya para sa impormasyong hahantong sa pagkakaaresto kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa, natural lang na may magtanong: Bakit P50 milyon? At ano ang konkretong resulta ng paggastos na ’yan?

Hinahanap si Dela Rosa ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng mga alegasyon ng krimen laban sa sangkatauhan. Itinanggi niya ang pagkakasangkot sa mga ilegal na pagpatay. Ayon sa mga opisyal, manggagaling sa intelligence funds ng DILG at PNP ang pabuya.

Pero teka muna. Kapag pera ng bayan ang pinag-uusapan, hindi puwedeng basta maglabas ng milyon, mag-anunsiyo, tapos bahala na ang lahat. Dapat malinaw kung saan gagamitin ang pondo, ano ang batayan ng halaga, at paano malalaman kung may resulta talaga.

Ang mahirap dito, mga kababayan, kapag ordinaryong tao ang nagkamali sa pera, kailangang magpaliwanag. Eh kapag milyon-milyong pondo ng gobyerno ang pinag-uusapan, hindi ba dapat mas malinaw ang pananagutan?

May mga tanong din tungkol sa legal na batayan ng pa­buya. Dapat itong sagutin nang diretso, may sapat na paliwanag at alinsunod sa batas—hindi puro pahayag at palusot.

Sa huli, hindi lang naman ito tungkol kay Bato. Tungkol­ ito sa perang galing sa bulsa nating lahat. Habang ang ordi­naryong Pinoy nagtitipid sa pamasahe, pagkain at bayarin, milyun-milyon ang inilalabas ng gobyerno para sa operasyon.

Kaya ang tanong ng taumbayan: P50 milyon ang usapan—nasaan ang malinaw na resulta at pananagutan?

Pera natin ’yan, kaya karapatan nating magtanong. Hindi puwedeng kapag singilan sa buwis, mabilis ang gobyerno, pero kapag paliwanagan sa paggastos, tahimik naman.

Disclaimer: Ang artikulong ito ay opinyon at panawagan para sa transparency at pananagutan sa paggamit ng pampublikong pondo. Ang mga alegasyon at kasong binanggit ay dapat harapin alinsunod sa batas at sa karapatan ng bawat taong inaakusahan.

TRENDING

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with