Ang mga mansiyon nina Sara
Nitong Lunes, nagdaos ng press conference ang National Bureau of Investigation (NBI) at inilantad ang mga larawang nagpapakita ng mararangyang ari-ariang iniuugnay kina Vice President Sara Duterte at Davao City Representative Paolo Duterte.
Grabe! May mga mansiyon, swimming pool, malalawak na bakuran, at matataas na pader. Buking na buking!
Malayo ito sa imaheng pilit na ipinapakita nina Sara na simpleng pamumuhay, payak kung kumain, at may drama pang pagtulog sa ilalim ng kulambo. Sa mga larawan, tila mas marangya pa ang buhay ng pamilya kaysa sa mga kilalang alta sociedad.
Habang ang mahihirap na Pilipino ay pinalalayas sa kanilang mga bahay at dine-demolish ang kanilang mga tahanan, sina Sara diumano ay may mga mansiyon.
Sa mahihirap, demolisyon? Kina Sara, mga mansiyon? Nasaan ang malasakit?
Lalong umiinit ang usapin sa gitna ng mga alegasyon ng mahigit P800 milyong hindi maipaliwanag o hindi naideklarang yaman ni Sara. Dagdag pa rito ang mga alegasyon tungkol sa milyun-milyong pisong natanggap umano ng kanyang pamilya mula sa China.
Sinisiyasat din ng NBI kung may kaugnayan ang mga ari-arian sa alegasyon ni Rodulfo Gracioso Jr. tungkol sa malalaking cash delivery sa pamilya Duterte. Kaya pala mahilig magkuwento ng maleta, sila pala mismo ang may mga maletang dapat buksan!
Hindi tuloy maiiwasang maalala ang Hacienda Binay na nabunyag noong 2014. Ang nabukong ekta-ektaryang property sa Batangas ay naging simbolo ng pagguho ng tiwala ng publiko kay noo’y Vice President Jejomar Binay at dagok sa kanyang ambisyong maging pangulo.
Ito na ba ang Hacienda Binay moment ni Sara?
Ito na ba ang rurok ng mga rebelasyong magtutulak sa mga Duterte na managot sa mga alegasyon ng katiwalian, tagong yaman, at pagpapakatuta sa China?
Para sa maraming mamamayan, ang sagot ay “oo.”
Noong Lunes din, libo-libong mamamayan ang dumagsa sa Senado upang igiit ang paghatol na guilty kay Sara sa impeachment trial. Hindi na ito basta tsismis. Nasa mesa ang mga dokumento, resibo, at transaksiyong kailangang timbangin ng mga senador-hukom.
Tapos na ang panahon ng pambubudol! Habang ang mahihirap ay pinagkakaitan ng tahanan, hindi dapat maging tahanan ng impunidad ang mga mansiyon ng makapangyarihan.
- Latest


















