Saint Malo: Unang bayan ng mga Pinoy sa Amerika?
May isang dating maliit na fishing village sa Louisiana na maaaring hindi na makita sa mapa ngayon, pero napakahalaga sa kasaysayan ng mga Pilipino o Filipino American sa Estados Unidos. Ito ang Saint Malo sa St. Bernard Pa-rish, Louisiana, sa paligid ng Lake Borgne. Isang malawak na latian ang Saint Malo kung saan unang nanirahan at nagtayo ng sarili nilang pamayanan ang mga tinatawag na Manilamen noong mga taong 1763 o 1765. Bagama’t may mga nagsasabing nangyari ito noong unang bahagi ng 19th century, malaking patunay ito sa maagang presensiya ng mga Pilipino sa Amerika nang panahong iyon.
Ayon sa mga tala, ang mga Manilamen ay mga mandaragat na Pilipino na nagtatrabaho sa mga barkong Espanyol, Amerikano, at Briton na dumadaong sa iba’t ibang bansa. Noong kolonya pa ng Espanya ang Pilipinas, may mga mandaragat na tumatakas sa kanilang mga barko nang dumaong ito sa Amerika at naghahanap ng ibang tirahan at ang ilan ay nakarating sa New Orleans, Louisiana. Mula roon, nakahanap sila ng liblib na lugar sa malalawak na latian sa paligid ng Lake Borgne. Dahil mahirap marating ang lokasyon na tinawag na St. Malo o Saint Malo, nakapamuhay sila roon nang malaya at hindi gaanong ginagambala ng mga awtoridad.
Hindi naging madali ang pang-araw-araw na pamumuhay sa Saint Malo. Ang kanilang mga bahay ay nakatayo sa ibabaw ng tubig at latian na sinusuportahan ng mga matitibay na poste, samantalang nilalagyan naman ng lambat ang mga bintana para makaiwas sa mga lamok at iba pang insekto. Pangingisda ang kanilang pangunahing ikinabubuhay, kasama ang pagkain ng iba pang pagkaing-dagat at pag-aalaga ng ilang manok at baboy. Dahil sa layo at pagiging hiwalay sa ibang pamayanan, halos nagkaroon sila ng sariling pamahalaan. Hindi ito regular na pinupuntahan ng mga opisyal ng St. Bernard Parish o ng pamahalaang pederal, kaya naman walang pormal na sistema ng pagbubuwis o law enforcement doon.
Gayunpaman, hindi nagtagal nang permanente ang ganitong komunidad dahil paulit-ulit itong tinatamaan ng malalakas na bagyo. Noong 1893, isang malaking hurricane ang nagdulot ng matinding pinsala at winasak ang karamihan sa mga bahay, hanggang sa tuluyan itong binura ng isa pang mas malakas na bagyo noong 1915. Doon tuluyang nagwakas ang Saint Malo bilang isang pamayanan. Ang mga natirang residente ay lumipat sa New Orleans at mga karatig-pook, habang ang mismong pisikal na bakas ng nayon ay tuluyan nang lumubog sa tubig at lumipas sa kasaysayan.
Bagamat wala na ang mga bahay sa ibabaw ng tubig at ang dating komunidad, may mga ina-
po pa rin ng mga Pilipinong ito na naninirahan sa Louisiana ngayon. May mga Isleño na may dugong Filipino, at kinikilala ng ilang lokal na organisasyon sa St. Bernard Parish ang pamana ng mga Pilipino bilang mahalagang bahagi ng kanilang lokal na kasaysayan. Ibig sabihin, nawala man ang Saint Malo bilang isang pisikal na lugar, nananatili itong buhay sa pahina ng kasaysayan.
Noong 2019, nang bumisita ang mga mananaliksik at mamamahayag sa dating lokasyon nito, isang maliit at kinakalawang na marker na may pangalang “St. Malo” ang kanilang natagpuan sa gitna ng latian. Sapat na ito para magsilbing paalala na minsan, sa dulo ng mundong iyon, may mga Pilipinong matapang na nagtayo ng tahanan at naghanap ng bagong buhay. At sa kasalukuyan, may isa na ring opisyal na historical marker sa St. Bernard Parish na nagpapatunay at nagpaparangal sa alaala ng Saint Malo.
* * * * * * * *
Email- [email protected]
- Latest















