^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Balik uli ang POGO?

Pilipino Star Ngayon

Noong nakaraang Oktubre 2, nasa 244 foreign nationals, karamihan ay mga Chinese, ang naaresto sa dalawang illegal POGO hub sa Zamboanga Sibugay.

Tinawag ito ng Bureau of Immigration na pinakamalaking POGO crackdown ngayong taon. Nakumpiska ang libu-libong cell phones, SIM card, laptop at iba pang gamit na pinaghihinalaang ginagamit sa online scam.

Mahigit dalawang taon na ang nakararaan mula nang ianunsiyo ang total ban sa POGO. Permanente na ito sa ilalim ng Anti-POGO Act of 2025, na kumansela rin sa mga permit at visa na konektado sa offshore gaming. Ang ban sa POGO ay inanunsiyo pa ni President Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang SONA. Hindi malilimutan ang sinabi ni Marcos sa kanyang SONA: “Kailangan nang itigil ang panggugulo nito sa ating lipunan at paglalapastangan sa ating bansa.” Ang pag-aanunsiyo ni Marcos sa pag-ban sa POGO ay umani ng sigawan at standing ovation.

Kasunod niyon ay ang malawakang paghuli sa mga illegal na POGO operators na ginaga­mit din sa human trafficking. Nalantad ang pagkakasangkot ni dating Bamban, Tarlac mayor Alice Guo. Tumakas si Guo noong Setyembre 2024 pero nahuli sa Indonesia. Nakakulong na si Guo sa Correctional Institution for Women.

Ngayon ay balik na naman ba sa pamama­yagpag ang POGO gaya nang nadiskubre sa Zamboanga Sibugay? Paano nanatiling tago ang ganito kalaking operasyon? Nakapagta­taka na isang compound na may daan-daang dayuhang manggagawa, 3,000 hanggang 4,000 cell phones, at malaking pangangailangan sa kuryente, internet at tirahan ay hindi basta nakakalusot nang matagal.

Lalo pang bumibigat ang usapin. Iniimbesti­gahan na ng NBI kung ginamit din ang mga pa­silidad sa troll farm operations, dahil sa rami ng gadget at sa equipment para sa mass text messaging. Sinusuri din kung may government­ official na sangkot, bagaman wala pang napapatunayan. Mayroon ding 51 trafficking victims na nasagip at dinala sa Manila para sa verification at profiling.

Hindi ito simpleng paglabag sa immigration. May mga taong ginamit at sinaktan.

Hindi sapat ang raid na ginagawa pagkatapos lumaki ang operasyon.

Dapat magtulungan ang BI, NBI at mga LGU sa mas maagang pagtukoy ng mga kahina-hinalang pasilidad. Dapat tiyakin ng mga lokal na opisyal kung sino ang nagpapatakbo ng mga compound sa kanilang nasasakupan.

At kung may opisyal o pribadong taong tumulong para manatiling lihim ang operasyon, dapat silang papanagutin.

Bawal na ang POGO sa papel. Ngayon, patunayan ng gobyerno na kaya rin itong ipagbawal sa aktuwal, bago pa ito muling mabuhay sa ibang tawag o pangalan.

CHINESE

POGO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with