EDITORYAL - Gawing puspusan ang paghahanda sa El Niño
KAHAPON (Oktubre 5), iniutos ni President Ferdinand Marcos Jr. sa mga ahensiya ng gobyerno na bilisan at palakasin ang paghahanda sa El Niño.
Ayon sa Department of Science and Technology(DOST), posibleng makaranas ng tagtuyot ang lahat ng probinsiya pagsapit ng Marso 2027.
Malinaw ang babala. Pero hindi dapat pare-pareho ang sagot sa bawat lugar.
Mismong Department of Agriculture ang nagsabing hindi lahat ng bahagi ng bansa ay magiging pare-pareho ang mararanasang tagtuyot.
May mga lugar na maaari pa ring magkaroon ng sapat o sobra pang tubig, kaya kailangang iayon ang intervention sa aktuwal na kondisyon ng bawat probinsiya.
Dito magiging mahalaga ang mga local government units (LGUs). Sa Quezon, nagtipon na ang provincial at municipal agriculture officials upang pag-usapan ang mga proyekto at tulong para sa mga magsasaka at mangingisda.
Sa ibang lugar naman, gumagawa ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng rainwater harvesting systems, binabantayan ang watersheds, at pinaghahandaan ang pagkasunog ng mga kagubatan.
Ganito dapat ang paghahanda: national ang direksiyon, pero local ang execution. Hindi sapat na sabihing magtipid ng tubig ang bawat pamilya. Binawasan na ang water allocation mula sa Angat Dam bilang bahagi ng conservation measures.
Kaya dapat malinaw din ang plano ng water utilities at local governments kung paano puprotektahan ang supply bago magkaroon ng seryosong kakulangan. Ganoon din sa agrikultura. May food buffer, cloud seeding, dagdag na warehouses at iba pang hakbang.
Pero ang tunay na sukatan ng paghahanda ay kung makararating ba ang tamang tulong sa tamang lugar bago matuyo ang mga kabukiran at maubos ang tubig sa mga reservoir at dam.
Pambansa ang El Niño, pero hindi pare-pareho ang epekto nito. Kaya hindi dapat isang plano para sa lahat.
Ang tunay na paghahanda ay alam ng bawat probinsiya kung ano ang kailangan nito, at handa na ang gobyerno bago pa dumating ang pinakamatinding krisis.
Hindi biro ang problemang kinakaharap ng bansa sa tagtuyot kaya kailangan ang puspusang paghahanda para rito.
May karanasan na ang bansa sa mga nakaraang pananalasa ng El Niño kaya mayroon nang sapat na kaalaman kung paano ito paghahandaan at haharapin.
- Latest
















