Edjop’: Biopic ng bayani kontra batas-militar (2)
(Katuluyan mula kahapon)
Nu’ng ipinataw ni Ferdinand Marcos Sr. ang Martial Law at namuno sa pamamagitan ng mga atas nu’ng 1972, nag-underground si Edgar “Edjop” Jopson. Nadakip siya nu’ng June 1979. Labing-isang araw siyang ginulpi, pinagpapalo, pinagsisipa, nilulubog ang ulo sa inidoro, at pinagkaitan ng tulog. Nakatakas si Edjop. Bumalik siya sa UG.
Nung Sept. 20, 1982 ni-raid ng mga tropa ni Marcos ang hideout ni Edjop. Nabaril siya habang tumatangkang tumakbo. Kinaladkad siya sa kampo para sa “tactical interrogation”. Kinabukasan, ika-sampung anibersaryo ng batas militar, inanunsyo nila na namatay si Edjop dahil sa maraming tama ng bala sa isang engkwentro.
Nabuo ang pelikulang “Edjop” sa tulong ng mga kwento ng asawa niyang Gloria “Joy” Asuncion, ng marami niyang kapatid, at malalapit na kasama sa pakikibaka. Naroon din ang perspektiba ng producer, ang ikalawa sa tatlong anak ni Edjop na si Joyette, na hinahanap ang kabuluhan habang tumatahak ng sariling landas ng buhay.
Edad-2 lang si Joyette nang paslangin si Edjop. Lumaki siyang nag-aakala na inabandona sila ng kanilang ama para sa kaniyang “bayan”. Binuhos niya ang sarili sa negosyo ng pamilya at sa pagtakbo. Siya ang unang Pilipino na nakatapos ng Arctic Marathon.
Nabatid ni Joyette sa mga kaanak, kaibigan, pati estranghero kung gaano tinitingala ang gunita ni Edjop. Pinondohan niya ang pagsasapelikula ng “Edjop” nu’ng maintindihan na ang “bayan”, ani nga ni Benedict Anderson, “ay guni-guning komunidad lamang ng mga mamamayan na nakikibahagi dito.” Kasi nga naman, ang totoong “bayan” ninoman, pati ni Edjop, ay ang sariling itinataguyod na pamilya.
Gumanap na Edjop si Elijah, Joyette si Jodi Sta. Maria. Direction ni Katski Flores, na sumulat ng screenplay kasama si Jade Castro.
- Latest
















