EDITORYAL — Dagdag sa suweldo dapat maramdaman
SIMULA Oktubre 14, tataas ng P42 ang daily minimum wage ng mga manggagawa sa Central Visayas.
Aabot sa P582 ang minimum sa Class A areas at P542 sa Class B areas, habang mahigit 300,000 workers ang inaasahang makikinabang.
Kinumpirma rin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang bagong rates at effectivity date.
May dagdag din para sa mga kasambahay: mula P7,000, magiging P7,500 ang kanilang monthly minimum wage.
Napakasarap pakinggan ang dagdag-sahod. Pero ang tunay na halaga ng wage order ay hindi nasusukat sa laki ng numerong inanunsiyo.
Nasusukat ito kung talagang matatanggap ng manggagawa ang dagdag sa kanyang susunod na suweldo.
Makikita ang kahalagahan nito sa nangyari sa Metro Manila.
May bagong P60 daily wage increase na naging epektibo nitong Setyembre 26. Ngunit nananatili sa korte ang naunang Wage Order No. 27, na nagtakda sana ng P85 increase.
Kinukumpirma rin ng NWPC na ang naunang order ay patuloy na sakop ng litigation.
Sa Central Visayas, nagbabala ang ilang business groups doon na maaaring mahirapan ang maliliit na negosyo sa dagdag na labor cost habang mataas din ang gastos sa kuryente, fuel at iba pang operasyon.
Kaya may exemption period at Sagip Trabaho assistance para sa kuwalipikadong struggling businesses.
Dito dapat maging malinaw ang wage policy: hindi sapat ang magtakda ng bagong minimum.
Kailangang malinaw ang implementation, mabilis ang pagresolba sa legal disputes, mahigpit ang compliance, at may malinaw na suporta sa employers na tunay na hirap sumunod.
Dahil ang dagdag-sahod ay walang saysay kung sa papel lang ito tumataas pero hindi naman napupunta sa bulsa ng manggagawa.
Dapat maramdaman ito ng mga nagbabanat ng buto at nagpapatulo ng pawis. Sa kasalukuyan na patuloy ang pagtaas ng mga pangunahing bilihin, pasahe at bayad sa ilaw at tubig, dapat lamang na makamtan ang dagdag sa suweldo at hindi na pinabibitin-bitin pa.
- Latest




















