^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Ang paglaya ni Mary Jane Veloso

Pilipino Star Ngayon

Malaya na si Mary Jane Veloso. Binigyan siya ng absolute pardon ni President Ferdinand Marcos Jr. noong Setyembre 24, at kinabukasan, pormal na siyang nakalabas sa Correctional Institution for Women (CIW).

Pagkaraan nang mahigit 16 na taon mula nang maaresto sa Indonesia noong 2010, nakauwi rin siya sa kanyang pamilya. Bibitayin na sana si Mary Jane subalit umapela ang gobyerno noon ni dating President Noynoy Aquino sa lider ng Indonesia. Napigilan ang execution.

Masayang pagtatapos ito para kay Mary Jane. Pero hindi dapat dito matapos ang usapan. Nararapat na may aral na makuha ang pamahalaan sa nangyari.

Nahuli si Mary Jane sa Yogyakarta airport matapos makitaan ng 2.6 kilo ng heroin sa kanyang maleta. Mula simula, iginiit niyang hindi niya alam na may droga roon at naloko siya ng recruiter habang naghahanap ng trabaho bilang domestic helper.

Ang kanyang kaso ay paalala kung gaano kadaling malagay sa panganib ang isang Pilipinong desperadong makahanap ng trabaho sa ibang bansa. Kaya kulang ang simpleng payo o paalala na “mag-ingat sa recruiter.”

Kailangang mas mahigpit ang monitoring sa recruitment, lalo na sa online kung saan mas mabilis maganap ang illegal recruitment at human trafficking.

Kailangan din nang maayos na coordination sa ibang bansa para mapigil ang mga sindikatong gumagamit sa mga naghahanapbuhay bilang drug mule o biktima ng ibang uri ng trafficking.

Mahalaga rin ang agarang legal assistance kapag may Pilipinong naaresto sa ibang bansa. Sa kaso ni Mary Jane, may mga ­naging problema sa pagsasalin ng wika at legal representation noong kanyang paglilitis sa Indonesia, mga sitwasyong maaaring lalo pang magpahina sa posisyon ng isang migrant worker na hindi pamilyar sa batas at sistemang kanyang kinakaharap.

Ngayon, may reintegration assistance na nakalaan para kay Mary Jane, kabilang ang livelihood, counseling at skills development, at nagbigay na rin ng financial aid ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa kanyang pamilya.

Pero ang tunay na aral ay dapat mauna bago pa may kailangang sagipin. Ang proteksiyon sa migranteng Pilipino ay hindi dapat nagsisimula kapag inaresto o kaya’y nasa kulungan na ito.

Dapat nagsisimula ito bago pa siya sumakay ng eroplano. Dito makikita kung may malasakit at proteksiyon na inilalaan ang pamahalaan sa mga Pinoy na magtatrabaho sa ibang bansa. Ang nangyari kay Mary Jane ay maaring maulit kung hindi magkakaroon nang tunay na malasakit sa mga kababayang magtatrabaho sa ibang bansa.

MARY JANE VELOSO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with