Pisong patong simbolong bigat ng buhay
Kung ituring ng marami ang piso ay barya lang na sa katunayan ay madalas itong naiiwan sa bulsa nahuhulog sa ilalim ng sofa, o kaya’y kusang ibinibigay bilang sukli na “thank you” na lang sa tindahan.
Ngunit para sa milyun-milyong Pilipinong kumakayod araw-araw, ang piso ay hindi lang basta barya—ito ay simbolo ng bigat ng buhay.
Subalit,ngayong Setyembre sa kabila nang pag-aray ng bulsa ng publiko, lumabas ang pasya ng DOTr na kailangan na itong bitawan upang hindi tuluyang mamatay ang operasyon ng sektor ng transportasyon.
Isang pisong dagdag sa minimum para sa mga traditional jeepney (mula P13 ay magiging P14) at dalawang piso naman sa modern jeepney (mula P15 patungong P17), kasama na rin ang pagtaas sa mga city bus at iba pang pampublikong sasakyan.
Para sa tsuper, ang pisong ito ay hindi lamang basta barya. Katumbas ito ng pambili ng dagdag na litro ng krudo na patuloy na sumisipa ang presyo sa merkado.
Kung walang dagdag-pasahe, paano nila bubuhayin ang kanilang pamilya sa harap ng araw-araw na gastos sa pagpapanatili ng sasakyan?
Ngunit para sa manggagawang minimum wage earner at mag-aaral na nagkukumahog bumiyahe araw-araw mula sa mga probinsya patungong Kalakhang Maynila, ang pisong dagdag sa bawat sakay ay dagdag na kabawasan sa hapag-kainan.
Ang pag-alis ng suspensyon ay patunay lamang na hindi na kayang pigilan ng pansamantalang ayuda ang lumalaking basag sa sistema.
Kailangan ng mas permanenteng solusyon tulad ng tapat at mabilis na pamamahagi ng fuel subsidy at hindi lamang basta panandaliang tapal.
Sa huli, ang pisong aprubado ay patunay na sa bawat biyahe sa lansangan, ang bawat sentimo ay may kaakibat na kuwento ng sakripisyo—mula sa nagmamaneho sa ilalim ng init ng araw hanggang sa nakatayo sa siksikang jeep habang nagbibilang ng natitirang barya sa bulsa.
- Latest
















