Mag-utol na Yulo bumida sa Asian Games
Bumida ang bandila ng Pilipinas nang matagumpay na makopo ng magkapatid na Carlos “Caloy” Yulo at Karl Eldrew Yulo ang mga medalya sa ginaganap na 20th Asian Games, sa Aichi-Nagoya, Japan.
Siyempre proud na proud ang mga Pinoy nang nakakuha ng dalawang gold si Caloy habang humabol kahapon ng bronze medal ang nakababata niyang kapatid na si Karl sa naturang multi-sport event.
Gumawa uli ng kasaysayan si Caloy nang makamit nito ang unang gintong medalya ng Pilipinas sa 20th Asian Games para sa men’s floor exercise final sa Nagoya City General Gymnasium nitong Huwebes.
Sumunod na nakuha ni Caloy ang ikalawang gold sa men’s vault final sa average score na 14.5999 o score na 14.733 sa first vault at 14.466 sa second vault.
Mas naging matagumpay ang Team Philippines nang mag-ambag si Karl Eldrew ng karangalan ng bansa nang makuha nito ang kanyang kauna-unahang medalya sa nasabing international games.
Sa kabila ng marami pa ring bashers ng tinaguriang “golden boy” na si Caloy, dahil sa hindi matapos-tapos na isyu sa pamilya, hindi ito naging hadlang sa kanyang pag-eensayo at pagpupursige para paghandaan ang mga laban nito. Hindi siya nagpatinag at maging ang kapatid na si Karl Eldrew Yulo ay pinatunayan sa mga kapwa Pilipino at sa buong mundo ang kanilang galing at nagbunga ng kanilang matinding pagsisikap.
Tulad ni Alexandra Eala na gumawa na rin ng kasaysayan at kinikilala ngayon sa mundo ng tennis nang maabot nito ang world No. 18 sa career-ranking sa Women’s, marami pang mararating ang magkapatid na Yulo dahil sa ipinamamalas na propesyunalismo sa kanilang larangan.
Dahil sa mga karangalang naibibigay ng ating mga atleta, dapat na pagtuunan pa rin ng pansin ng pamahalaan para mas lalong mapaangat ang mga manlalaro ng bansa.
Sa kabila ng tagumpay ng mga manlalaro ng bansa, nangangailangan pa rin sila ng suporta mula sa pamahalaan para lalong umangat sa mga internasyunal na sports competition.
Kung hindi pa nakakuha ng 2 gold si Caloy, mananatili tayong kulelat. Nakatala ang Pilipinas na pang-14 sa overall ranking na nakakuha ng 9 medals (2-gold, 2-silver, 5 bronze) na malayo sa China na top 1 sa overall ranking (96-gold; 36-silver, 24-bronze) o kabuuang 196 medals nitong Sept. 25.
- Latest


















