Subpoena kay Zuckerberg: Seryoso o Pabida?
Kapag nagkakaroon ng malawakang isyu sa online safety, pekeng balita, seryosong banta sa kaligtasan ng mga kabataan online, paboritong ritwal ng mga mambabatas ang ipatawag si Meta CEO Mark Zuckerberg.
Kamakailan, sa ilalim ng House Resolution 1640 ni Rep. Presley De Jesus, binalaan ang Meta ng posibleng ban sa Pilipinas kung hindi makikipagtulungan. Sa panibagong kautusan na humarap sa komite, hindi maiwasang maitanong ng publiko: Seryosong hakbang ba ito para sa pananagutan, o isa na namang engrandeng palabas para sa publisidad?
Ilang beses na ba nating nakita si Zuckerberg na nakasuot ng pormal na suit, nakaupo sa harap ng mikropono, at paulit-ulit na humihingi ng paumanhin? “We will do better,” aniya sa mga nakalipas na pagdinig.
Ngunit pagkatapos patayin ang mga camera at magligpit ng mga papeles, tila bumabalik din sa normal ang lahat. Ang algorithm ay nananatiling mapanuri, ang cyberbullying ay patuloy na namamayagpag, at ang kita ng kumpanya ay patuloy na lumalago.
Dahil dito, madaling isipin na ang mga pagdinig na ito ay paraan lamang ng mga politiko upang magpa-trend sa social media—isang klasikong “pabida” gamit ang isang tanyag na bilyonaryo bilang sangkap. Gayunpaman, unfair din naman kung ganap nating itatwa ang bigat ng isang subpoena. Ang mga pagdinig na ito, seryoso man o hindi ang intensyon ng ilang politiko, ay nagiging mitsa upang mailantad ang mga internal na dokumento ng Meta na kung hindi dahil sa subpoena ay mananatiling nakatago sa publiko.
Sa huli, ang sagot sa tanong kung ito ba ay “seryoso o pabida” ay hindi nakadepende kay Zuckerberg, kundi sa mga mambabatas pagkatapos ng pagdinig.
Kung ang subpoena ay magreresulta lamang sa mga viral na video clip at soundbite para sa susunod nilang kampanya dahil malapit na ang 2028 ay paborito nga lang itong palabas. Ngunit kung ito ay magiging daan para sa mga konkretong batas na magpapanatag sa mga magulang at poprotekta sa mamamayan, masasabi nating seryoso ang laban.
Huwag nating hayaang matapos ang usapan sa “I’m sorry” ni Zuckerberg.
Ang kailangan ng mundo ngayon ay hindi lang paghingi ng paumanhin, kundi pananagutan.
Ang tanong ay susulpot ba si Zuckerberg kung sakaling naipadala na ang subpoena ng Kamara ng Pinas? Abangan natin.
- Latest















